BORACAY ISLAND— Inamin ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na apektado ang turismo sa isla ng Boracay dahil sa ipinalabas na travel ban ng China.
Ayon kay Malay Mayor John Yap, wala na halos makikitang Chinese tourist sa Boracay ngayon at tanging turistang Taiwanese at Korean madalas na namamasyal.
Inilabas ng China ang travel ban matapos ang pagdukot sa isang Chinese teenager sa Zamboanga.
Ayon sa Department of Tourism, tinatayang aabot na sa 7,000 na Chinese tourist ang hindi natuloy sa Boracay at katumbas ito ng P165 milyon halaga ng nakanselang bookings.
Noong 2013, umabot sa mahigit 200,000 turistang Chinese ang bumisita sa isla ng Boracay.