Hindi lamang nakaamba ang malaking insentibo para sa matagumpay na kampanya ng Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF) Dragonboat Team kundi ang makuwalipika sa 2015 Southeast Asian Games (SEAG) sa Singapore.

Dumating noong Martes ng gabi ang 27-kataong delegasyon ng Dragonboat mula sa paglahok sa International Canoe Federation (ICF) Dragon Boat World Championships 2014 sa Poznan, Poland kung saan ay sinalubong sila ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Salvador “Buddy” Andrada na siyang nagpasabi ng magandang balita.

Ang koponan ay binubuo ni team leader Teresita Uy at coach Diomedes Manalo, kasama ang mga atleta na sina Angela Chiva Abanilla, John Carlo Asenci, Leo Bumagat, Norwell Cajes, Fernand Dungan, Rosalyn Esguerra, Franc Feliciano, Mark John Frias, Ojay at Danny Fuentes, Edward Galang, Alex at Alvin Generalo, Rea Glore, Oliver Manaig, Maria Manatad, Kevin Mendoza, Reymart Nevado, John James Pelagio, John Paul Selencio, Jerome Solis, Jairus Molina, Daniel Ortega, Katsumi Tanaka, Hermie Macaranas at Jonathan Ruz.

Kasama ni Andrada si PCKF President Jonne Go, magulang at tagasuporta, na sumalubong sa mga atleta sa NAIA 3 matapos na kubrahin ng natatanging Asian at Southeast Asian country sa world event na isinagawa noong Agosto 28-31ang 5 ginto, 3 pilak at 3 tanso.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ipinaliwanag ni Andrada na nakatakdang pag-usapan ng PSC Board sa Setyembre 8 ang posibleng insentibong ibibigay sa pambansang koponan bagamat hindi nakasaad sa Republic Act 9064 o ang Sports Incentive Act ang sinalihang kompetisyon.

Agad namang nagtungo ang paddlers nang dumating sa airport patungo sa kanilang kampo sa Taytay, Rizal kung saan ay naghanda ang PCKF ng simpleng selebrasyon.

Agad na magbabalik sa pagsasanay ang koponan para sa susunod na buwan na pre-SEA Games Championships sa Singapore at ang 2015 SEA Games.

Ang koponan ay binubuo ng 19 na baguhan at walong dating miyembro ng grupo na nag-uwi ng 6 ginto at 1 pilak noong 2012 World Championships sa Italy.

Nagwagi ng ginto ang national paddlers sa Junior Men’s 500 meter 10-seaters, Senior Men’s 200 meter 20-seaters, Junior Men’s 200 meter 10-seaters, Seniors Mixed 200 meter 10-seaters at Senior Men’s 200 meter 10 -seaters.

Nagkasya lamang sila sa pilak sa Senior Men’s 500 meter 20-seaters, Senior Mixed 500 meter 10-seaters at Senior Men’s 500 meter 10-seaters.

Ang tatlong tanso ay nagmula sa Senior Men 2,000 meter 20-seaters, Junior Men’s 2000 meter 10-seaters at Senior Men’s 2000 meter 10-seaters kung saan ay inireklamo ng koponan ang mga kuwestiyonableng oras.