Arestado ang isa sa apat na lalaking pawang menor de edad na itinuturong responsable sa panghoholdap at pagpatay sa isang family driver sa Sta. Cruz, Manila nitong Martes ng madaling araw.

Ang suspek, na kinilala lamang sa pangalang Cocoy, 15, may live-in partner at residente ng P. Guevarra Street, Sta. Cruz, Manila, ay positibong kinilala ng testigong si Albert Jobinal Jr., security guard, na isa sa mga suspek na nakita niyang sumaksak at nakapatay sa biktimang si Benedicto Dela Cruz, 52, family driver at residente ng 1045 P. Guevarra Street, Sta. Cruz.

Ayon kay SPO3 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section, pinaghahanap pa nila ang tatlong suspek na pawang menor de edad din, na kinabibilangan ng dalawang 17-anyos at isang 14-anyos lamang, at kinilala sa mga pangalang Bobot, Edgar at Edmond.

Sinabi ni Vallejo na inaresto nila si Cocoy at itinuro naman ng guwardiyang saksi na siya ang humila sa bag ng biktima.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mariin namang itinanggi ni Cocoy ang krimen at sinabing napagkamalan lamang siya.

“Napagkamalan lang ako nong guwardiya, taga sa amin yong patay. Kilala ko kasi yong tatlo akala nila ako si Bobot,” tanggi ni Cocoy.

Nabatid na si Cocoy ay may kinakasamang 18-anyos na kasalukuyang buntis at nasa kabuwanan na nito.

Inamin naman ni Cocoy na wala siyang hanapbuhay at umaasa lamang sa kanyang ina upang mabuhay.

Matatandaang 4:00 ng madaling araw ng Martes ng harangin ng mga suspek ang biktima na papasok sa trabaho sa tapat ng tanggapan ng Philippine Ling –Nam Athletic Foundation and Fire Volunteer sa panulukan ng Fugoso at Natividad Streets, sa Sta. Cruz.

Nakikiusap umano ang biktima sa mga suspek na wala naman siyang pera ngunit pinagsasaksak pa rin siya ng mga ito bago tumakas tangay ang kanyang bag, na may laman lamang baong pagkain, cellphone at P100 na pamasahe.