Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
12 p.m. Arellano vs Perpetual Help (jrs/srs)
4 p.m. JRU vs Lyceum (srs/jrs)
Muling makisalo sa liderato at hatakin ang kanilang winning streak ang tatangkain ng Arellano University (AU) sa muli nilang pagtutuos ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) sa second round ng NCAA Season 90 seniors’ basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Hangad ng Chiefs na maulit ang kanilang naitalang 87-85 panalo kontra sa Altas nang una silang magtagpo noong Hulyo 26 sa first round.
Ngunit gaya ng una nilang pagtutuos, tiyak na magiging dikdikan ang labanan ng dalawang koponan lalo pa at target din ng Altas na palakasin ang kanilang tsansa na makapasok sa Final Four round.
Asam ng Altas na dugtungan ang dalawang dikit na panalo na kanilang ipinoste sa pagsisimula ng second round laban sa Intramuros-based teams na Lyceum of the Philippines University (LPU) at Letran College (LC) para makaangat mula sa kinalalagyang ikatlong posisyon na hawak ang barahang 7-4 (panalo-talo) kung saan ay kasalo nila ang season host Jose Rizal University (JRU) na sasabak naman sa Lyceum sa tampok na laro.
“Mabigat na laban na naman iyan. At sana, gaya ng gusto naming mangyari sa mga nauna naming laban, sana mag-step-up iyong iba pa naming players kasi hindi naman puwedeng lagi na lamang kaming aasa sa aming starters,” pahayag ni Altas coach Aric del Rosario.
“Siyempre, napapagod din naman ang mga iyan (first five), so sana makakuha sila ng suporta sa second stringers,” dagdag pa nito.
Tinutukoy ni Del Rosario ang kanyang starters na kinabibilangan ng leading MVP candidates na sina Scottie Thompson, PBA bound Harold Arboleda at Jong Baloria, kasama sina Joel Jolangcob at Justine Alano.
Sa kabilang dako, umaasa naman si coach Jerry Codinera na magpapatuloy ang inspiradong larong ipinakikita ng kanyang mga manlalaro na pinangungunahan ng PBA bound na sina Prince Caperal at Nard Pinto, kanilang rookie sensation na si Dioncee Holts, leading MVP candidate na si Jiovanni Jalalon at Levi Hernandez.
Samantala, sa tampok na laro, asam din na makausad sa susunod na round, tatargetin ng Heavy Bombers ang ikawalo nilang tagumpay laban sa Pirates na minamataang umangat mula sa kinalalagyang ikalimang posisyon na taglay ang barahang 5-6.