Pangungunahan bukas ni Senior Justice Antonio T. Carpio ang full court session ng Supreme Court (SC) na inaasahang tatalakay sa mosyon na inihain ng Office of the President (OP) upang i-reconsider ang desisyon ng kataas-taasang hukuman na nagdedeklarang unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).

Simula ngayong Lunes ang 15-araw na wellness leave ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno. Bilang pinakamataas na associate justice, si Carpio ang itinalaga bilang acting Chief Justice hanggang magbalik si Sereno sa Setyembre 16.

Bukod sa session bukas, pangungunahan din ni Carpio ang full court session ng Korte Suprema sa Setyembre 9.

Gaya ni Sereno, naninindigan si Carpio sa pagiging independent ng hudikatura at katapatan sa Konstitusyon, at sa kapangyarihan ng Korte Suprema na suriin ang mga pag-abuso sa kapangyarihan na maaaring naisagawa ng Ehekutibo o Lehislatura.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 1, 2014, sa nakuhang unanimous na 13-0 boto, inihayag ng kataas-taasang hukuman na sa pagpapatupad ng DAP ay nalabag ang constitutional doctrine sa magkahiwalay na kapangyarihan, kabilang ang probisyon na nagbabawal sa inter-branch transfer ng pondo. - Rey G. Panaligan