Simula sa Setyembre 1 ay ipatutupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “one-truck lane” policy sa C-5 Road upang maibsan ang matinding trapiko dahil sa rami ng truck na dumadaan sa lugar.
Hihigpitan ang galaw ng mga cargo truck sa ilalim ng bagong regulasyon ng MMDA, na base sa inaprubahang resolusyon ng Special Traffic Committee ng Metro Manila Council (MMC).
Sisimulan itong ipatupad bukas, Setyembre 1 hanggang Enero 31, 2015.
Nagsagawa na ang MMDA ng test-run sa one-truck lane policy upang matukoy ang epekto nito sa trapiko.
“Studies showed that there is an 80% increase in the total volume of trucks plying along C-5 during the granting of provisional authorities to trucks for hire applicants and the no apprehension policy by the Land Transportation Franchising and Regulatory Board,” ayon kay MMDA Chariman Francis Tolentino.
Base sa resolusyon, maaari lang gamitin ng mga truck ang innermost lane ng C-5 sa loob ng truck ban hours mula Lunes hanggang Sabado.
Upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng one-truck lane policy, magkakaroon din ng mga pagbabago sa mga U-turn slot sa C-5. Pitong U-turn slot ang mananatiling sarado sa mga sasakyan habang ang mga U-turn sa mga flyover at intersection na may traffic signal ay mananatiling bukas.
Mahigpit ding ipatutupad ang “no parking” policy sa mga truck sa C-5, ayon sa MMDA. - Anna Liza Villas-Alavaren