Tatlong hinihinalang miyembro ng isang big-time drug syndicate ang bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makumpiskahan ng P75-milyon shabu sa buy-bust operation sa West Avenue, Quezon City, kahapon ng umaga.

Base sa report ni QCPD Director Chief Supt. Richard Albano, kinilala ang mga suspek na sina Anthony Pineda, 32; Grace Navalta, 32; at Jeselito Tabaquero, 39, pawang taga-Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.

Dakong 5:50 ng umaga nang masakote ang tatlo sa panulukan ng Examiner at Don Enrique Streets, malapit sa West Avenue, Quezon City.

Una rito, nagkasundo ang mga suspek at police agent sa pagbili ng halos dalawang kilo ng shabu sa halagang P3 milyon.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Dumating ang mga suspek sakay ng isang Toyota Fortuner (RGF-996) at isang Honda Civic (UNO-122) sa isang parking area at iniabot ang shabu. Dito na sumalakay ang mga pulis at nabawi ang kabuuang 15 kilo ng shabu na nasa compartment ng dalawang sasakyan.

Naniniwala ang QCPD na ang tatlo ay kagrupo ni Zhen Zhi Xu, isang Chinese na miyembro umano ng international drug syndicate, na naaresto noong Agosto 8 sa Philcoa, Quezon City at nakatikim ng sampal mula kay QC Mayor Herbert Bautista. - Jun Fabon