Ni ALYSSA JANE AVELLANOSA, trainee
NAKISALI na sa popular na ALS Ice Bucket Challenge ang international Broadway actress na si Lea Salonga kasabay ng paghamon niya kina Glee star Darren Criss, Aga Mulach at kapwa The Voice of the Philippines coaches na sina Bamboo Mañalac, Apl de Ap at Sarah Geronimo.
Layunin ng ALS Association na makalikom ng pondo para sa mga may karamdaman, dahilan para ilunsad nila ang ALS Ice Bucket Challenge. Ang mechanics, ibi-video ng challenger ang sarili habang binubuhusan siya sa ulo ng isang balde ng malamig tubig na may kasamang pira-pirasong yelo at sa huli’y hahamunin ang sinuman, maaaring kaibigan o kakilala, na gawin ang challenge. Kinakailangang mai-upload ang video sa loob ng 24 oras. Ang sinumang tumanggi sa hamon ay dapat na mag-donate sa foundation ng ALS.
Ayon sa ABS-CBNnews, napilitang mag-upload ng sariling video si Lea noong Huwebes ng gabi nang hamunin siya ni II Divo singer Urs Buhler. Sinabi ni Lea sa video na ginawa niya ito para sa tiyuhin ng kanyang asawa na yumao kamakailan dahil sa amyotrophic lateral sclerosis (ALS).
“It is out of love for him that we are both doing this,” aniya, habang tinuturo ang asawa na may hawak ng balde ng tubig.
“We have seen what it (ALS) can do and how it can impact a family, so this is why I’m doing this and experiencing temporary discomfort for something very important,” dagdag pa ni Lea.
Sunod niyang hinamon ang mga kaibigan sa Twitter, “Nominees: @DarrenCriss, #AgaMuhlach, and my fellow TVOP coaches @apldeap, @JustSarahG, and @Bamboomusiclive! You have 24 hours! Have fun!”
Naging maugong sa social media ang paghamon ni Lea kay Sarah Geronimo. Ipinamalita ng Popsters, fans ni Sarah, ang hamon at patuloy ang paghimok sa kanilang idolo na gawin ito. Tikom man ang bibig si Sarah, usap-usapan na baka raw mag-donate na lamang ito kaysa gawin ang challenge, pero umaasa pa rin ang kanyang fans na makikisaya ang popstar.
Hiniling din ni Lea Salonga sa mga hinamon na kung maaari’y mag-donate din ang mga ito sa ALS Association kahit na gawin nila ang challenge, na karaniwan namang ginagawa ng ilang celebrity na nauna nang sumubok sa hamon.
Sa kasalukuyan, umabot na sa US$41.8-M ang nalilikom na pondo ng Ice Bucket Challenge.