Sa galit at hinanakit ni PNoy, ayaw niyang tantanan ang mga mahistrado ng Supreme Court (SC) na nagdeklarang unconstitutional ang inimbentong Disburesment Acceleration Program (DAP ) ni DBM Sec. Butch Abad. Mr. President, huwag ka sanang pikon. May kasabihan tayong “ang pikon ay talo.”
Di mo ba alam na karamihan sa iyong mga “Boss” ay kontra sa panggagalaiti mo sa SC na tumupad lang sa tungkulin nang ideklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng DAP ? Okey, maganda ang iyong intensiyon sa paggamit ng DAP para sa pagpapasigla ng ekonomiya at di-gumagalaw na mga proyekto.
Dapat mong tandaan Ginoong Noynoy na hindi lahat ng malinis at magandang layunin ay alinsunod sa batas o legal. At ito ay lantarang ipinamulat ng SC sa inyo ni Abad at ng mga senador at kongresistang namantikan ng DAP na labag ito sa Konstitusyon!
Sa pagpapalutang mo at ng iyong kapanalig na bukas ka sa Cha-Cha (Charter Change) at sa posibleng pagpapalawig ng termino ng Pangulo, aba naku Mahal na Presidente, baka bumangon sa himlayan si Tita Cory at pagsabihan kang “Anak, anim na taon lang at walang extension ang panunungkulan ng isang Pangulo gaya ng isinasaad sa Constitution”. Huwag mong isipin na tanging ikaw lang ang makapagsasalba sa malungkot na situwasyon ngayon ng Pilipinas na binabagabag ng kahirapan, kagutuman, kurapsiyon at pananakot ng dambuhalang China. Hindi ka isang Messiah, marami pang lider ang susulpot mula sa 100 milyong populasyon upang tumulong sa paghango sa bansa sa kumunoy ng kasawiang-palad! “Hindi ka nag-iisa, marami pang lilitaw na pinuno ng bayan”.
Huwag mo na rin sanang tangkain Mr. President na benggahin ang SC at alisan ng kapangyarihan bilang isang co-equal branch ng gobyerno. Kung may problemang legal ang lehislatura, ehekutibo at iba pang ahensiya o kompanya, pampubliko man o pampribado, tungkulin ng SC na mag-interpret ng batas. Iyan ang ginawa ng SC sa isyu ng DAP .