Hindi makatutulong sa mga jeepney driver ang bawas-presyo sa diesel na ipinatupad ng Pilipinas Shell ngayong Martes ng madaling araw, sinabi kahapon ng Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).

Epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Agosto 19 ay tinapyasan ng Shell ng 40 sentimos ang presyo ng kada litro ng diesel at 35 sentimos sa kerosene.

Wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina.

Inaantabayan naman ang posibleng pagsunod ng ibang kumpanya sa ipinatupad na bawas-presyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang rollback ay bunga ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Sa unang taya, posibleng bumaba ng 25 sentimos ang presyo ng diesel habang tataas ng 15 sentimos ang gasolina ngayong linggo.

Samantala, sinabi ni PISTON National President George San Mateo na hindi pa rin mararamdaman ng mga driver ang kakarampot na rollback sa diesel na kanilang itinuturing na “limos.”

Aniya, hangga’t hindi bumababa sa P37 ang presyo ng kada litro ng diesel sa mga gasolinahan sa bansa ay mananatiling nakalugmok sa kahirapan ang mga driver.

Determinado ang PISTON na isulong ang P6 fuel discount sa lahat ng gasolinahan bilang ayuda ng gobyerno sakaling pagbigyan ang kanilang hirit sa halip na Pantawid Pasada Program na alok ng gobyerno.