Kinumpirma ng mga teroristang grupo sa Pilipinas na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf na sinusuportahan ng mga ito ang Islamic State (IS), ang grupo ng extremist jihadists na kumukontrol at walang awang umaatake sa malalaking bahagi ng Iraq at Syria.

Sa nakalipas na mga linggo ay naupload sa YouTube ang video clips ng mga miyembro at opisyal ng BIFF at Abu Sayyaf, kapwa nakabase sa Mindanao, na nangangako ng suporta sa IS.

“We have an alliance with the Islamic State and Abu Bakr al-Baghdadi,” sinabi ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, nang kapanayamin ng Agence France-Presse noong Biyernes, tinukoy ang brutal na leader ng IS.

Kinumpirma rin ni Misry na galing sa kanilang grupo ang video na inupload sa YouTube noong Agosto 13 na nagpapakita sa isang BIFF leader na napalilibutan ng mga armadong miyembro habang binabasa ang pahayag na nangangako ng suporta sa IS.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Taong 2008 nang humiwalay ang BIFF mula sa may 12,000 miyembro na Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasunod ng pagsisimula ng usapang pangkapayapaan ng huli sa gobyerno.

Gayunman, sinabi ni Misry na walang plano ang BIFF na gamitin sa Pilipinas ang radikal na paraang Islam ng IS, gaya ng pamumugot, maramihang pagpatay at pagdukot sa mga dalagita para gawing asawa.

Itinanggi rin ni Misry na nagpadala ang BIFF ng mga mandirigma sa Syria at Iraq para tumulong sa IS, at hindi rin umano nagre-recruit ang kanilang grupo para sa IS.

“Pero kung kakailanganin nila ng tulong namin, bakit hindi?” ani Misry.

Ipinakita naman sa video ng Abu Sayyaf ang isa sa pinakamatataas na opisyal ng grupo na si Isnilon Hapilon na nagbanggit sa pangalan ni al-Baghdadi habang binabasa ang pahayag na nangangako ng suporta sa IS.

Tumanggi namang magkomento sa video clips si Lt. Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines. Aniya, “This is propaganda and we will not give these terrorists the satisfaction by commenting.” - Agence France-Presse