ISULAN, Sultan Kudarat – Sa gitna ng pangambang mabigo ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa napaulat na pahayag ni MILF Vice Chairman Ghadzali Gaafar na babalik sila sa armadong pakikibaka sakaling hindi maisasakatuparan ang kasunduan, karamihan sa Mindanao ay kumpiyansang magkakaroon ng katuparan ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa rehiyon.

Ipinagkibit-balikat lang ng ilang opisyal ng militar na nakapanayam ng may akda sa Maguindanao ang nasabing pahayag ni Gaafar, habang naniniwala naman ang ilang alkalde sa lalawigan na magkakaroon ng katuparan ang paunang kasunduang pangkapayapaan at ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa Mindanao, bagamat nauunawaan umano nila ang reaksiyon ni Gaafar na anila’y asam ang tunay na pamamahala sa Bangsamoro.

Maging ang iba’t ibang sektor ng kababaihan sa ilalim ng Bangsamoro ay nagpahayag din ng suporta sa mga nilalaman ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Sa kabilang banda, tiniyak ni Brigadier General Edmundo Pangilinan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Camp Gonzalo Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao na ang mahigpit ngayong mino-monitor ng kanyang pamunuan ay ang sinasabing “lawless armed groups” sa ilalim ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), bagamat nananatili umano silang umaasam sa katuparan ng usapang pangkapayapaan.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Gayunman, nagpahayag pa rin ng pangamba ang mga sibilyan, Muslim man o Kristiyano, sa posibilidad ng mas matinding kaguluhan sakaling mabigo ang magkabilang panig sa usapang pangkapayapaan para sa Mindanao. - Leo P. Diaz