Matapos makaladkad ang pangalan sa kontrobersiyal na Maguindanao massacre, mariing itinanggi ng isang piskal sa Department of Justice (DoJ) na nabayaran siya para ikompromiso ang pag-usad ng kaso.
Ayon kay State Prosecutor Aristotle Reyes, nakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu ng suhulan nang mawala siya sa panel of prosecutors na lumilitis sa kaso ng massacre.
Sinabi ni Reyes na walang katotohanan ang isyu ng suhulan.
Aniya, kusa siyang nagbitiw sa panel noong Enero para maiwasan ang pagkakahati-hati sa prosecution team dahil iba ang kanyang ipinapanukalang estratehiya sa takbo ng kaso.
Nagpasya umano siyang magbitiw para maiwasan ang tampuhan sa hanay nilang mga prosecutor.
Sinuportahan naman si Reyes ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III matapos kumpirmahing hindi tinanggal kundi nagbitiw si Reyes.
Sinabi ni Baraan na hindi totoo ang isyu ng suhulan at hindi rin naimbestigahan si Reyes sa nasabing usapin.
Aniya, nananatili pa rin ang tiwala ng DoJ kay Reyes dahil ipinahawak pa nga rito ang ilang malalaking kaso, gaya ng Atimonan rubout at Zamboanga siege.