PALIBHASA itinuturing lamang na isang damo, ang kawayan ay hindi masyadong napag-uukulan ng angkop na pagpapahalaga ng mga kinauukulan, lalo na ng gobyerno. Hanggang ngayon, wala tayong nakikitang ibayong pagsisikap sa propagasyon o pagpaparami ng naturang pananim na ngayon ay itinuturing nang billion-peso industry.

Ang malaking pag-asa o potential sa kawayan ay hindi kaya nakikita ng Department of Agriculture at ng Department of Environment and Natural Resources? Mabuti na lamang ay may isang Philippine Bamboo Foundation na nagmamalasakit sa pagbubunsod ng malawakang pagtatanim ng kawayan na ang kahalagahan ay kinikilala sa buong daigdig.

Hindi maaaring maliitin ang mga biyaya na naidudulot ng kawayan. Malimit itong taguriang poor man's lumber sa pagtatayo ng mga bahay, lalo na sa mga kanayunan; ang lahat ng uri ng naturang pananim – bayog, kawayang tinik, at kawayang kiling – ay nagpapatibay at nagpapaganda sa mga tahanan.

May mga nagpapatunay na ang kawayan ay epektibong sangkap sa paggawa ng beer o pale pilsen. At maraming pagkakataon na ang mga ito ay ginagamit din ng mga manlililok sa paggawa ng mga dekorasyon.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Sa Laguna Lake at sa mga palaisdaan sa iba't ibang dako ng kapuluan, naghambalang ang mga baklad na yari sa kawayan; lubhang kailangan ang mga ito sa pagpaparami ng kailangan nating mga isda.

Sa mga pampang, ilog at maging sa dalisdis ng mga kagubatan, nakahanay at nakatulog ang mga puno ng kawayan na napatunayang nakatutulong sa pagkontrol ng bana; ang ugat ng mga ito ang pumipigil sa pagguho ng lupa.

Sa isang media forum, isiningit ng isang kapatid sa propesyon na ang kawayan ay magagamit din bilang amplifiers; at hindi na kailangan ang baterya upang lumakas ang tunog nito. Sa bahaging ito, isiningit ko rin ang kahalagahan nito sa paggawa ng iba't ibang musical instruments. Dapat ipagmalaki ng lahat, halimbawa, ang Bandang Kawayan ng Polytechnic University of the Philippines na ang lahat ng instrumento na kanilang panugtog ay yari sa kawayan.

Ang naturang banda ay nakapaglakbay na sa iba't ibang bansa sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga dayuhan at katutubong awitin, lalo na ang ating paboritong lawiswis kawayan. Sapat na ito upang hikayatin ang lahat sa pagtatanim at pagpaparami ng naturang produktong pang-agrikultura.