Walang dapat na ikabahala ang mamamayan kaugnay sa Ebola virus outbreak na ikinamatay ng halos 1,000 katao sa ibang bansa.

Pinawi ng Malacañang ang takot ng mga Pilipino kasabay ng pahayag na puspusan ang monitoring ng pamahalaan kaugnay sa nasabing virus partikular ang Department of Health (DoH).

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, may sapat na kakayahan ang Department of Health (DoH) upang subaybayan ang pagpasok ng mga galing Africa at matiyak na walang may dalang Ebola virus ang makapapasok sa bansa.

Ayon kay Valte, puspusan ang ginagawang pagbabantay sa mga paliparan na naka-heightened alert na para mapigilang makapasok ang Ebola virus na kumakalat na rin sa iba’t ibang panig ng mundo.

National

Amihan, ITCZ, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA

Inilagay na rin sa Alert Level 2 ang mga bansa kung saan kumakalat ang virus, na nangangahulugan na pinag-iingat na ang mga Pinoy na nasa ibang bansa, kasama ang pagbabawal sa mga ito na bumiyahe sa mga bansang apektado ng virus tulad ng Sierra Leone, Liberia at Nigeria.

Naglagay na rin ng thermal scanners sa mga paliparan sa bansa para makita ang mga pasaherong may sintomas ng Ebola gaya ng lagnat, pagdurugo, pagsusuka at pananakit ng katawan ay agad itong isasailalim sa quarantine at titingnan kung positibo sa nasabing sakit.