August 28, 2026

Home BALITA National

Sen. Risa, napapayag daw Meta sa pagbibigay ng data sakaling magkabanta sa kabataan!

Sen. Risa, napapayag daw Meta sa pagbibigay ng data sakaling magkabanta sa kabataan!
Photo courtesy: Risa Hontiveros (FB), Associated Press

Inihayag sa publiko ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpayag umano ng Meta, isang giant American technology company na may hawak sa iba’t ibang mga social media platform, na ibahagi sa mga awtoridad ng Pilipinas ang kanilang data sakali man daw na magkaroon ng banta sa seguridad ng kabataan. 

Sa inilabas na video statement ni Hontiveros sa kaniyang Facebook page nitong Biyernes, Agosto 28, 2026, ibinahagi niyang ibibigay na raw ng meta ang mga subscriber information at traffic data nito sa mga awtoridad sa panahong may matukoy ang mga ito na banta bago pa man maganap ang isang pag-atake. 

“Napapayag natin, napa-commit natin ang Meta na ibibigay nila sa ating mga awtoridad ang subscriber information at pati traffic data once na may ma-identify silang banta sa kaligtasan ng ating mga bata bago may mangyaring aktuwal na pag-atake,” pagsisimula niya. 

Ani Hontiveros, tila magandang pag-usad raw ito kasabay ng malapit na nilang maipasang batas na “Child Online Safety And Protection Act” na poprotekta sa mga kabataan sa paggamit ng mga ito ng online platforms. 

“Magandang parallel development ito dahil sa loob mismo ng Senado, malapit na naming maipasa ang Child Online Safety And Protection Act. At inabisuhan namin ang Meta, malapit na talagang maipasa ito bilang ganap na batas,” aniya. 

National

12.4% ng mga Pilipino, 'multidimensionally poor' ayon sa PSA!

Dagdag pa niya, “So dapat maging mabilis din ang kanilang aksyon sa ganitong mga threatening situations bago pa ang anomang atake. Obvious na handa naman na ang mga leader ng Meta na higpitan ang kanilang safeguards. So lubus-lubusin na nila ito.” 

Mahigpit na paalala ni Hontiveros, hindi raw maaaring patuloy na kumita ang Meta sa Pilipinas nang walang pananagutan sa mga nilalaman ng kanilang social media platforms. 

“Ang mensahe ko sa Meta, hindi kayo puwede kayo puwedeng magpatuloy na kumita dito sa Pilipinas nang hindi kayo magiging accountable sa laman nito. I will hold you to your word,” pagtatapos pa niya. 

Matapos ito ng naging pag-livestream sa social media ng Child in Conflict with the Law (CICL) sa ginawa niyang school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) - Junior High School noong Agosto 18, 2026, na nagresulta sa pagkasawi ng isang mag-aaral, at ng CICL mismo. 

KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!

Idagdag pa ang naunang insidente ng school shooting incident ng dalawa ring menor-de-edad sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026, dahilan para masawi ang tatlong mga mag-aaral.

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!

Parehong tinutukan ni Hontiveros ang naturang mga insidente sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na kaniyang pinamumunuan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Napakahirap tanggapin!' Sen. Risa, nabahala sa pag-livestream pa ng gunner sa Zamboanga

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Opisyal na naganap sa AdZU school shooting incident batay sa PNP!