August 18, 2026

Home BALITA National

'Napakahirap tanggapin!' Sen. Risa, nabahala sa pag-livestream pa ng gunner sa Zamboanga

'Napakahirap tanggapin!' Sen. Risa, nabahala sa pag-livestream pa ng gunner sa Zamboanga
Photo courtesy: Senate PRIB, MB

Nakisimpatya si Sen. Risa Hontiveros sa naganap na school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga Junior High School umaga nitong Martes, Agosto 18, 2026. 

Kaugnay ito sa naging pagpapaputok umano ng baril ng isang Grade 7 student sa loob ng isang silid-aralan sa naturang campus na naging sanhi ng pagkasawi ng isang estudyante, at ng suspek mismo.

KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!

Sa statement na inilabas ni Hontiveros sa kaniyang Facebook page, idiniin niyang napakahirap daw tanggaping muling nagkaroon ng kaso ng pamamaril sa loob ng eskwelahan. 

Matatandaang bago nito, nauna nang ginulantang ang publiko ng naging pamamaril nina alyas Nash, 14, at Rod, 15, sa loob ng San Jose National High School noong Hunyo 22 dahilan para masawi ang tatlong mga mag-aaral, kasama na anak na babae ni Badoria na si Joyancee.

National

Medical leave ni Sen. Legarda, 'quite suspicious' na umano sa Ombudsman!

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!

Ani Hontiveros, kahit hindi pa raw nakukumpirmang may koneksyon sa Nihilistic Violent Extremism (NVE) ang bagong insidente ng pamamaril ng menor de edad sa Zamboanga City, tila raw may mas malalim na problemang dapat na harapin ang lipunan kung naaatim nang i-livestream sa social media at inilalantad sa publiko ang paggawa ng karumal-dumal na mga krimen. 

“Sa ngayon, hindi pa natin masasabi kung may koneksyon ito sa Nihilistic Violent Extremism (NVE) o sa iba pang online communities na sinimulan nating suriin matapos ang Tacloban shooting,” aniya.

Dagdag pa niya, “Sa totoo lang, kung ang karahasan ay hindi lamang ginagawa kundi idinidisplay, ginagaya, at nili-livestream pa, mas malaki at mas malalim ang problemang kailangang harapin natin bilang isang lipunan.” 

Diin ni Hontiveros, ipagpapatuloy raw niya ang gampanin niyang sugpuin ang NVE, bilang ng online grooming for serious violent activity, at iba pa bilang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality. 

Nakatakda umano silang magkasa muli ng pagdinig sa darating na Huwebes, Agosto 20, 2026, sa layuning matukoy ang mga kailangan nilang baguhin sa mga paaralan at online environments ng kabataan upang hindi raw maulit ang mga ganitong kaso ng karahasan. 

“Lubos akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at sa mga estudyante, guro, at magulang na kailangang harapin ngayon ang takot at trauma ng nangyari,” saad niya.

“Hindi dapat matutong mabuhay sa ganitong takot ang ating mga pamilya. Makakaasa kayo na gagawin natin ang lahat upang mapakilos ang gobyerno at maprotektahan ang ating mga anak,” pagtatapos pa ng senador. 

KAUGNAY NA BALITA: DepEd, naalarma sa school shooting incident sa Zamboanga!

KAUGNAY NA BALITA: Ateneo de Zamboanga University, nagsalita sa shooting incident