August 19, 2026

Home BALITA National

'Reckless imprudence lang!' SILG Remulla, binatikos mababaw na parusa sa mga magulang na pabaya sa baril

'Reckless imprudence lang!' SILG Remulla, binatikos mababaw na parusa sa mga magulang na pabaya sa baril
Screengrab from PNP

Tinabla ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang tila mababaw lang umanong ipinapataw na parusa sa mga magulang o guardian ng mga batang pinagkukunan nila ng armas upang magdulot ng karahasan. 

Matatandaang muling nagulantang ang publiko sa naganap na insidente ng school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School umaga noong Martes, Agosto 18, 2026, na ikinasawi ng isang mag-aaral, at ng Child in Conflict with the Law (CICL) mismo.

KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!

Bago nito, matatandaan ding nauna nang naganap ang naging pamamaril nina alyas Nash, 14, at Rod, 15, sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 dahilan para masawi ang tatlong mga mag-aaral, kasama na anak na babae ni Badoria na si Joyancee.

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!

National

Higit 1.1M food packs, ipinamahagi sa 10 rehiyon matapos pananalasa ni 'Luis,' 'Maymay,' habagat

Sa pahayag ni Remulla sa ikinasa nilang press conference nitong Miyerkules, Agosto 19, idiniin niyang pareho raw hindi “inalaagan” ang mga baril na nakuha ng mga CICL na nagdulot ng karahasan sa mga eskwelahan sa Tacloban City at Zamboanga City. 

“Sa dalawang nakaraan na shooting sa mga eskwelahan, pareho siyang government owned firearms for qualified personnel. Ngunit sa parehong bagay ay hindi inalagaan ‘yong mga baril,” pagsisimula niya. 

Ani Remulla, tila reckless imprudence lang daw ang ipinapataw na parusa sa mga magulang o guardian ng mga CICL na gumagawa ng karahasan. 

Diin pa niya, dapat daw na magkaroon ng mabigat na pananagutan ang mga magulang o guardian na hindi iniingatan ang kanilang mga armas at nagdudulot ng paggawa ng krimen ng mga menor de edad. 

“Ang penalty ng paggamit ng legal guns, kung kinuha lang ng bata ang baril sa magulang o sa guardian, ang penalty ay reckless imprudence lamang. Walang penalty ang may hawak, may-ari ng baril,” aniya. 

“Ang penalty sa bata na bumaril ay ano lang sila treated as a juvenile. Isn’t the owner of the gun equally responsible?” pagtatapos pa niya. 

Dahil dito, direktang umapela si Remulla sa Kongreso na muli umanong siyasatin ang batas dahil naging ugat umano ang pagkakaroon ng bailable offense sa mga kaso ng loose firearms upang tumaas ang kriminalidad na may kaugnayan rito. 

Pinaaamyendahan din ni Remulla ang Republic Act No. 8294 o kilala rin sa impormal na tawag na “Robin Padilla Law” upang maibalik daw na non-bailable offense ang kaso ng loose firearms. 

KAUGNAY NA BALITA: Pagtaas ng krimen sa loose firearms, sanhi ng Robin Padilla Law—SILG Remulla

KAUGNAY NA BALITA: 'Napakapangit na ng nangyayari! Sen. Padilla, idiniing social media ugat ng pamamaril sa Zamboanga!