Inihayag sa publiko ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang reaksyon sa naganap na school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga Junior High School umaga nitong Martes, Agosto 18, 2026.
Kaugnay ito sa naging pagpapaputok umano ng baril ng isang Grade 7 student sa loob ng isang silid-aralan sa naturang campus na naging sanhi ng pagkasawi ng isang estudyante, at ng suspek mismo.
KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!
Sa isinagawang Facebook live ni Padilla nito ring Martes, pinunto niyang social media umano ang pangunahing ugat at nakakaimpluwensya sa kabataan upang gumawa ng karahasan at karumal-dumal na krimen.
Diin ni Padilla, matagal na raw niyang sinasabi noon sa pagdinig ng kaniyang komite na Senate Committee on Public Information and Mass Media ang malaking epekto ng social media sa mga bata at binatikos umano lang siya ng publiko kaugnay rito.
Ani Padilla, maintindihan daw sana ng publiko ang pinupunto niyang hindi na umano maganda at napakapangit na raw ng mga nangyayaring karahasang nagmumula sa kabataan.
“Alam n’yo mga kababayan, sana po ay manamnam ninyo ang gusto kong sabihin na hindi na po talaga maganda itong nangyayari. Napakapangit na po nitong nangyayari na ito,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Sana po, kung ako ay nagkakaroon ng mga maling choice ng mga salita, hindi po ibig sabihin niyan ay kinukutya ko kayo, kinukutya ko ang kabataan, hindi po. ‘Yan po ay panggising upang manamnam n’yo po ang katotohanan.”
Paglilinaw ni Padilla, hindi raw siya nagsasalita nang hindi niya nalalaman ang kaniyang mga sinasabi dahil nakita na raw niya ang mga ganitong kaso ng karahasan sa bilibid noon.
“Ako naman ay hindi po ako nagsasalita nang hindi ko po naiintindihan ang bagay na ito. Ito pong mga nangyayaring mga karumal-dumal na krimen na ito, nakita ko na po ito, e. Ito pong mga nakikita n’yo po ngayon, nakita ko na po ito noong araw pa sa bilibid,” ‘ika niya.
Tirada ni Padilla, kailangan na raw na maisulong sa Pilipinas ang batas na kagaya sa ibang progresibong bansa na nagbabawal sa kabataan na gumagamit ng social media.
“Sapagkat ito po ay hindi na nakapagbibigay ng tamang pag-iisip, hindi na nakakapagbigay ng tamang halimbawa, at ginagamit pa po para maging daan upang ‘yong kanilang mga iniisip na karahasan na nais nilang gawin ay nagagawa nila,” paliwanag ng senador.
Dahil dito, umapela si Padilla na tulungan daw siya ng publiko na maisulong ang naturang batas na maglilimita sa mga bata na gumagamit ng social media.
Buwelta ni Padilla, hindi na raw nila maaaring ipikit na lang ang kanilang mga mata at hayaang mangyari muli ang karahasang kinakasangkutan ng isang bata habang patuloy lang daw ang pambabatikos at politika sa mga usaping ito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Napakahirap tanggapin!' Sen. Risa, nabahala sa pag-livestream pa ng gunner sa Zamboanga
KAUGNAY NA BALITA: Ateneo de Zamboanga University, nagsalita sa shooting incident