Inaasahang tataas sa higit 5% ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa ngayong taon—sa antas na hindi pa nakikita simula noong tumama ang Covid-19 pandemic.
Batay sa ulat ng Manila Bulletin, ilan sa mga salik na maaaring makaapekto at makaimpluwensya rito ay ang external at domestic challenges na kinahaharap ng bansa.
Ayon sa ulat, pumalo sa pagitan ng 5.3% hanggang 5.8% ang adjusted unemployment rate projection para sa taong 2026—mas mataas sa naunang forecast na 4% hanggang 5%.
Nakikita namang babalik sa 4% hanggang 5% ang unemployment rate para sa taong 2027 hanggang 2029.
Base pa sa tala, umabot sa 4.7% ang average employment rate noong 2025.
Mababasa rin sa ulat na ang naturang outlook pagdating sa unemployment rate ay nanggagaling sa inaasahang average inflation rate na maaaring maglaro sa pagitan ng 6% hanggang 7% ngayong 2026—kasabay ang pagbagal ng economic growth ng bansa sa pagitan ng 3.5% to 4.5% sa parehong taon.
Kaugnay nito, matatandaang nito lamang unang linggo ng Agosto 2026, naglabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng mga datos hinggil sa pinakahuling estado ng inflation rate, unemployment rate, at Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
Ayon sa PSA, umabot sa 6.2% ang inflation rate ng bansa para sa buwan ng Hulyo 2026.
Bahagya itong mas mababa sa 6.4% noong Hunyo 2026.
MAKI-BALITA: Inflation rate nitong Hulyo, umabot sa 6.2%; mas mababa kumpara noong Hunyo!-Balita
Sa usapin ng mga Pinoy na walang trabaho, pumalo ito sa 2.59 milyon, o aabot sa 4.9% noong Hunyo 2026.
Tumaas ito kung ikukumpara sa 4.8% na tala noong Mayo 2026.
MAKI-BALITA: Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, pumalo na ng 2.59 milyon!-Balita
Anang ahensya, bumagal din ang economic growth ng bansa—na maituturing bilang isang “new post-pandemic low.”
Pumalo kasi ang GDP ng bansa sa 2.3% para sa second quarter ng 2026, mas mababa rin sa 2.8% noong first quarter ng parehong taon.
MAKI-BALITA: 'New post-pandemic low!' Economic growth ng Pilipinas, bumagal sa Q2 ng 2026—PSA-Balita
Pag-amin naman ng Palasyo, nag-ugat daw ang economic growth slow down bunsod ng korapsyon at sigalot sa Gitnang Silangan.
MAKI-BALITA: Palasyo, inaming bumaba economic growth ng PH dahil sa korapsyon, Middle East tension-Balita