Tahasang inamin ng Malacañang na bumaba o nag-slow down ang paglago ng ekonomiya ng bansa bunsod ng ilang mga isyu gaya ng korapsyon at sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Gitnang Silangan.
Pinakawalan ng Palasyo ang pag-aming ito matapos matanong si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro hinggil sa kumpiyansa ng pamahalaang wakasan na ang korapsyon sa nalalabing taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., matapos ang umano’y impluwensya nito sa public investment at business confidence ng Pilipinas.
“Admitted na bumaba, nag-slow down ang economic growth ng Pilipinas dahil sa isyu ng korapsyon—dahil ito po ay pinaimbestigahan ng Pangulo,” pag-amin ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Agosto 6.
Aniya, “Noong pinaimbestigahan niya ay nakita natin ang lawak ng isyu ng korapsyon; at nag-ingat ang ating pamahalaan, ang administrasyon sa paglabas ng pondo noong last quarter last year.”
“Hindi nagbigay, nagpalabas ng pondo agad-agad sa mga infrastructure projects dahil minabuti na tingnan kung ‘yong mga contractor na ito ay dapat na ipagpatuloy ang mga proyekto kung sila ay may magandang record o hindi,” dagdag pa niya.
Anang press officer, nakadagdag din daw ang Middle East tension sa nasabing isyu—na siyang ginampanan naman ng pamahalaan ng solusyon, sa pamamagitan ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).
“So, totoo po na nagbawas ng paggastos ang gobyerno at isa ‘to sa nakaapekto ng pagbaba ng [Gross Domestic Product] GDP; at sinabayan pa, after that, ilang buwan lamang, ay sinabayan ng krisis sa Middle East—pero tinutugunan ng Pangulo at ng administrasyon para maibsan ang naranasan nating impact ng krisis na ito, sa pamamagitan ng UPLIFT,” anang press officer.
Dagdag pa niya, “So, kahit na mayro’n tayong programa tungkol sa UPLIFT, at nakita po nga natin na bumabaha naman ang inflation rate, but still, hindi tayo magsasawalang-bahala.”
“Patuloy ang pagmo-monitor na ito, at inaasahan po siguro itong third quarter… second quarter or third quarter ay medyo ang paggastos ng gobyerno para mas makita ang pagtaas ng economic growth ay gagawin po,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Sa kaugnay na ulat, inihayag naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, Agosto 6, na na-maintain ng bansa ang GDP growth rate nitong 2.8% para sa unang kuwarter ng 2026.