Usap-usapan ng mga netizen ang naging patutsada ng dating ABS-CBN News Channel (ANC) news anchor na si Christian Esguerra laban sa Senado, kaugnay sa pinag-uusapang "force majeure."
Hirit ng mamamahayag sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 28, "Pag bumabagyo ba ng kamangmangan sa Senado, force majeure din?"
May simpleng caption pa itong "Kailangang sumilong."
Photo courtesy: Screenshot from Christian Esguerra (FB)
Kilala ang dating ANC journalist sa pagiging matapang, straight to the point, at brutally frank pagdating sa pagbibigay niya ng saloobin, opinyon, at pananaw tungkol sa politika.
Lumutang ang nabanggit na salita dahil sa mainit na pinag-usapang mosyon ng Senate majority bloc na magkaroon ng pagbabago sa panuntunan ng Senado tungkol sa pisikal na pagdalo at pagboto ng mga senador, kung may mahahalagang usaping dapat nilang pagbotohan at pagdesisyunan.
Sinubukan ng mayorya, sa pangunguna ni Sen. Rodante Marcoleta, na payagan ang pagdalo ng mga senador sa plenary session sa pamamagitan ng "remote participation" o pagdalo sa pamamagitan ng teleconference o videoconference.
Bagay na mahigpit na tinutulan naman ng Senate minority bloc dahil wala naman daw force majeure o pambansang kalamidad para gawin ito, na humantong pa nga sa walkout nila noong gabi ng Martes, Mayo 26.
Maki-Balita: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!
Dahil dito, naglabas naman ng paliwanag niya ang isa sa mga miyembro ng mayorya na si Sen. Robin Padilla patungkol sa kahulugan ng force majeure, at nagbigay ng ilang halimbawang sitwasyon.
“War/gera/digmaan sa Gitnang Silangan na nagreresulta na ng terorismo sa iba’t ibang parte ng mundo, ang napipintong pagkakadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict. Hindi po ba ito force majeure?” ani Padilla.
Maki-Balita: Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!
Ipinaliwanag din ng senador ang mas malawak na kahulugan ng force majeure, na aniya’y tumutukoy sa mga pangyayaring wala sa kontrol ng isang partido gaya ng bagyo, baha, lindol, digmaan, terorismo, at iba pang emergency situations.
Binanggit din niya ang mga babala hinggil sa posibleng malakas na El Niño phenomenon sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027.
Ayon kay Padilla, inaasahang makaaapekto ang matinding El Niño sa maraming lalawigan sa bansa dahil sa mas mababang dami ng ulan at posibleng matinding tagtuyot.
“Malinaw naman po — bagyo, baha, lindol, gera, terrorismo,” dagdag pa niya.
Sa huli, tila pinatutsadahan din ng senador ang ilang kasamahan sa Senado sa pamamagitan ng tanong na, “Akala ko ba pro-active ang dating majority?”
Nakarating naman ito sa kaalaman ng miyembro ng minorya na si Sen. Risa Hontiveros at sinalungat ang mga naging paliwanag ng senador.
"Naku naman, ano ba naman 'yan? With all due respect, hindi po 'yan mga force majeure. Yung gera sa Middle East, 'yan po ay nangyayari sa mga mamamayan sa ibang rehiyon at yung epektong oil crisis na 'yan..."
"Ang kinatatakutang hidwaan ng China at Taiwan, medyo matagal-tagal nang banta 'yan, hindi naman kinailangan na mag-online work. At yung global warming at climate change, ang tagal na rin."
"'Yan ay kasama sa mga issues na kailangan naming trabahuhin in person, " paliwanag ni Hontiveros.
Maki-Balita: 'Ano ba naman 'yan?' Sen. Risa, sinupalpal si Sen. Robin tungkol sa force majeure
Nakatikim din ng katakot-takot na panlalait at bash mula sa mga netizen si Padilla dahil dito.
Samantala, bagama't walang direktang tinukoy na pangalan, agad na iniugnay ng mga netizen ang birada ni Esguerra kay Padilla.
Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang senador tungkol dito.
Maki-Balita: ALAMIN: Kapag sinabing ‘force majeure,’ anong ibig sabihin?