May 22, 2026

Home BALITA National

'Innocent and very much alive!' CJ Hirro, ligtas at nagtatago kay Rep. Romualdez!

'Innocent and very much alive!' CJ Hirro, ligtas at nagtatago kay Rep. Romualdez!
Photo courtesy: PGMN, File Photo

Idineklara ni Peanut Gallery Media Network (PGMN) anchor CJ Hirro na ligtas ang kaniyang kasalukuyang kalagayan at idiniin niyang inosente siya sa alegasyong nagbanta umano sila ng extortion kay Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez. 

Matatandaan kasing natiklo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kasamahan niya sa kanilang naturang media network na si Franco Mabanta at iba pa noong Mayo 5, 2026, dahil sa umano'y bantang extortion sa nasabing mambabatas. 

Habang inihayag naman ng NBI noong Mayo 8 na tinitingnan na rin daw nilang “person of interest” sa naturang banta ng extortion kay Romualdez si Hirro at nakatakda nila itong ipatawag sa kanilang tanggapan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez

Ayon naman sa naging pahayag ni Hiro sa kaniyang Facebook post noong gabi ng Linggo, Mayo 10, nagpasalamat siya sa suporta sa kaniya ng publiko at mariin siyang nanindigan na inosente raw siya sa mga alegasyon laban sa kaniya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“To the Filipino people, thank you for your support and concern. I am CJ Hirro, innocent and very much alive,” pagsisimula niya. 

Ani Hirro, malinaw raw ang utos sa kaniya na kailangan niyang protektahan ang katotohanan, kaniyang pamilya, at siguraduhing mailalabas nila ang 90 minutong video na nagpapakita ng umano’y mga ebidensya laban kay Romualdez. 

“Secure your family and protect the truth. Make sure this episode gets out there still,” aniya. 

KAUGNAY NA BALITA: Franco Mabanta, may 90 minutong video sa umano'y korapsyon ni Romualdez!

Ani Hirro, nasa ligtas na lugar na raw siya ngayon at idiniin niyang hindi mabibili ng kahit magkanong halaga ang kanilang ginawang video laban kay Romualdez. 

“I am now somewhere safe and protected by people I deeply trust. And so I am here now, talking to you. This video you are about to see is not worth P350 million,” aniya. 

Buwelta niya, handa raw pagalawin ni Romualdez ang kaniyang makinarya para lamang iligpit ang mga kagaya nila kaya raw maituturing na “priceless” o hindi mabibili ng pera ang episode nila laban sa mambabatas. 

“Simply finding out that I was working on an episode about him was enough to get Martin Romualdez to mobilize his whole machinery to try to take down those who hold the truth about him,” ‘ika niya. 

Dagdag pa niya, “And now we see in full display the extent of power he holds with all the money he has and the lengths he would go to wield that power. And to me, that makes this episode priceless.” 

“Mga mahal kong kababayan, ito ang katotohanan na gustong patayin ni Ferdinand Martin Romualdez,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag, tugon, o reaksyon si Romualdez kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Franco Mabanta at bakit siya tinugis ng awtoridad?

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, kinuwestiyon koneksyon ni Franco Mabanta sa mga Duterte!