January 26, 2026

Home BALITA Probinsya

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Isang guro sa pampublikong paaralan at ang live-in partner ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad matapos maaresto sa isang drug buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Compostela, Davao de Oro.

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang operasyon bandang 2:00 ng hapon nitong Linggo, Enero 25, 2026, sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Davao de Oro.

Kinilala ang guro sa alyas na “Elmer,” 51 taong gulang at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang pampublikong paaralan. Kasama niyang inaresto ang kaniyang live-in partner na kinilalang “Jenny.”

Batay sa ulat ng PDEA, umano’y nagbenta ng ilegal na droga ang guro sa isang undercover agent na nagpanggap na buyer, na naging dahilan ng agarang pag-aresto sa dalawa sa lugar ng transaksyon.

Probinsya

‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

Nakumpiska ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱110,000.

Inaresto rin ang live-in partner ng guro matapos matukoy ng mga imbestigador na umano’y tumulong at nagsilbing kasabwat sa ilegal na aktibidad sa nasabing lugar.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Davao de Oro Police Provincial Office at ng Compostela Municipal Police Station.

Patuloy na nakakulong ang mga suspek habang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng pormal na reklamo sa korte. Wala pang karagdagang detalye ang inilalabas hinggil sa kanilang mga personal na background at kung may iba pang sangkot sa kaso.