Sinita ni Sen. Kiko Pangilinan ang mga umano’y nananamantala sa gitna ng nangyayaring hidwaan sa Gitnang Silangan.
Sa latest Facebook post ni Sen. Kiko nitong Linggo, Marso 8, sinabi niyang pananagutin umano ang mga nagtataas agad ng presyo ng produktong petrolyo.
“Hindi dapat sinasamantala ang epekto ng sigalot sa Middle East. Sa mga nagtaas agad ng presyo ng petrolyo bago ng itinakdang oil price hike sa Martes, mananagot kayo,” anang senador.
Matatandaang naiulat na noong Sabado, Marso 7, ang posibleng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Inaasahang aabot sa ₱20.10 hanggang ₱20.30 presyo ng diesel kada litro habang ₱10 hanggang ₱10.20 naman kada litro ang tinatayang dagdag-singil sa gasolina.
Nauna nang kinumpirma ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin, noong Marso 2, ang posibilidad na tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa mga darating na araw bunsod ng sigalot na dulot ng girian sa pagitan ng Iran at Amerika, kasama ang Israel.
Maki-Balita: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. Jr. na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na tinatayang aabot ng 50 hanggang 60 araw.
Maki-Balita: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM