January 22, 2026

Home BALITA Eleksyon

Special elections para sa Antipolo 2nd District, aarangkada na sa Marso

Special elections para sa Antipolo 2nd District, aarangkada na sa Marso
(file)

Naglabas na ang Commission on Elections (Comelec) ng calendar of activities para sa special elections na nakatakda nilang idaos sa ikalawang Distrito ng Antipolo kasunod ng pagpanaw ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop noong Disyembre 20, 2025.

Maki-Balita: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto

Batay sa inisyung Resolution No. 11185, na may petsang Enero 14, 2026, itinakda ng Comelec en banc ang isang special elections sa Marso 14, 2026, Sabado, mula 7:00AM hanggang 3:00PM.

Ayon sa Comelec, ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga taong nais kumandidato sa special elections ay isasagawa mula Pebrero 5, 2026 hanggang Pebrero 7, 2026.

Eleksyon

Comelec: Mahigit 900K botante rehistrado na para sa BSKE 2026

Sa naturang panahon, mahigpit ding magpapatupad ang Comelec ng gun ban o ang pagbabawal nang pagdadala at pagbibiyahe ng baril at iba pang deadly weapons sa mga pampublikong lugar.

Ang campaign period para sa special polls ay magsisimula rin naman sa Pebrero 12, 2026 at magtatagal lamang ito hanggang sa Marso 12, 2026, o dalawang araw bago ang mismong araw ng halalan.

Samantala, ang huling araw naman ng paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay nakatakda sa Abril 13, 2026.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangang magdaos ng special polls, nang hindi mas matagal sa 90-araw matapos na maideklarang bakante ang isang posisyon.

Mangangailangan aniya sila ng P98 milyong pondo para sa naturang special polls.