January 22, 2026

Home OPINYON Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?
Photo courtesy: Freepik

Nagdadasal ka ng blessings, inaalagaan mo ba nang maayos mga binibigay sa’yo? 

Sa buhay Kristiyano, hindi nawawala na marami tayong nililista sa “prayer requests” natin–para sa pamilya, trabaho, pag-aaral, o sa sarili man, marami tayong gusto. 

Wala namang masama doon, dahil sabi sa Bibliya, kaluguran ng Panginoon na pakinggan at tugunin ang mga dasal ng sinoman na naniniwala sa Kaniya (Mga Awit 147:11). 

Sabi rin sa Mateo 7:7-8, ano man ang hingin natin sa pangalan Niya, matatanggap, makakatagpo, at bubuksan ng Panginoon–ang kailangan lang natin ay hanapin at lapitan ang Panginoon. 

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Paano hahanapin ang katahimikan kung sarili ang kalaban araw-araw?

Gayunpaman, itinuturo rin Niya na sa mga hinihingi natin, kailangan tayong maging “good stewards” o mabuting katiwala ng mga pagpapala.

“Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay.” - Lucas 16:10 

Balikan natin ang parabula ng tatlong alipin sa Mateo 25. 

Ang unang alipin ay binigyan at pinagkatiwalaan ng limang bag ng ginto; ang pangalawa ay binigyan ng dalawang bag ng ginto; at ang pangatlo ay binigyan ng isang bag ng ginto. (Matthew 25:15-18)

Lubos na nalugod ang amo sa una at pangalawang alipin dahil mas tumubo at dumami pa ang mga bag ng ginto na ibinigay sa kanila, pero nadismaya siya sa pangatlo dahil pinili lamang nitong itago at ibaon sa lupa ang ginto na binigay sa kaniya. 

Matututunan sa parabula na ito na ang mga pagpapala natin ay hindi lang basta ibinigay, ipinagkatiwala rin ang mga ito ng Panginoon para dumami at mas lumawig.

Ipinagkatiwala sa atin ang mga pagpapala natin o ang “answered prayers” natin dahil alam ng Panginoon na kaya natin itong alagaan. (Jeremias 33:3). 

Kaya bilang Kristiyano, mahalaga na alagaan natin ang mga pagpapala sa atin.

‘Wag sayangin ang blessings! Dahil kung paano ito hawakan, nakikita rin kung gaano kahalaga ang tiwalang ibinigay ng Panginoon. 

Sean Antonio/BALITA