January 21, 2026

Home BALITA

DOH, nagbabala kontra 'stampede' sa Traslacion

DOH, nagbabala kontra 'stampede' sa Traslacion
Photo courtesy: via MB

Nagbabala ang Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Enero 8, 2026,  sa mga deboto hinggil sa panganib ng stampede sa gaganaping Traslacion ng imahe ng Jesus Nazareno sa Maynila.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang malalaking pagtitipon, lalo na sa makikitid na kalsada at masisikip na lugar, ay nagpapataas ng panganib ng stampede na maaaring magdulot ng pinsala o pagkamatay.

Ibinahagi rin ng kagawaran ang mga karaniwang palatandaan ng posibleng stampede, kabilang ang malakas na tulakan mula sa karamihan, biglaan at sabayang paggalaw ng mga tao, hirap sa pag-angat ng mga paa, at problema sa paghinga.

“Kapag dadalo sa Traslacion, alamin ang senyales ng stampede at ano ang dapat gawin kung sakaling nangyari ito para ligtas ang paggunita at pamamanata,” ayon sa DOH.

National

Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara

“Kapag napansin ang ilan sa mga palatandaang ito, agad na lumayo kung maaari at magtungo sa mas maluwag na lugar,” dagdag pa nito.

Isasagawa ang Traslacion sa Biyernes, Enero 9.

Ang Traslacion ay isa sa mga pangunahing aktibidad sa Kapistahan ng Jesus Nazareno, kung saan inililibot ang imahe ni Hesukristo mula sa Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church.

Ginugunita nito ang pagdating ng imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula Acapulco, Mexico patungong Pilipinas noong ika-17 siglo, at ang paglipat nito mula Bagumbayan patungong Quiapo Church – St. John the Baptist Parish noong 1767.

Noong nakaraang taon, tumagal ng 20 oras at 45 minuto ang prusisyon at dinaluhan ng tinatayang 8.1 milyong deboto, ayon sa Philippine National Police.