Hinatulan ng dalawang taong pagkakakulong si Miss Grand International 2021, Nguyen Thuc Thuy Tien, noong Miyerkules, Nobyembre 19, dahil sa maling pagbebenta ng dietary fiber gummies.
Ayon sa naging imbestigasyon ng High People's Court (HCMC) sa Ho Chi Minh City, Vietnam at ulat ng VN Express International, dala ng pansariling interes, alam ni Tien na hindi tugma ang naging promotion niya ng “Kera Supergreens Gummies” sa tunay na kalidad nito.
"The defendants were fully aware but, driven by self-interest, ignored the fact that the product’s quality did not match its advertisements and still promoted it," saad ng HCMC.
Binanggit din na alam ng dating beauty queen na 0.935% lamang ang fiber content dito at hindi rin malinaw ang nakalagay na listahan ng mga sangkap dito.
Salungat pa sa naging advertisement, ang “Kera Supergreens Gummies” ay hindi naglalaman ng 10 iba’t ibang uri ng gulay, ayon sa isinagawang test ng HCMC.
Ipinakita na dahil sa mapanlinlang na advertisement, higit 56,000 katao ang bumili ng produkto at nagbayad ng tinatayang VND 17.5 billion o katumbas ng ₱ 39,201,750.
Inamin naman ni Tien sa korte na nakatatanggap siya ng 25% mula sa pagrerepresenta ng produkto.
"This is a major lesson for myself and the other defendants," saad ng dating beauty queen sa kaniyang final statement.
Ayon sa ilan pang ulat, kabilang din ang social media influencers na sina Pham Quang Linh at Hang Du Muc sa nahatulan ng dalawang taon na pagkakakulong.
Sean Antonio/BALITA