January 04, 2026

Home BALITA National

'Kuwentong walang kuwenta!' Palasyo, sinabing ‘di dapat seryosohin ng AFP mga alegasyon ni Sen. Imee kay PBBM

'Kuwentong walang kuwenta!' Palasyo, sinabing ‘di dapat seryosohin ng AFP mga alegasyon ni Sen. Imee kay PBBM
Photo courtesy: RTVM/YT, AFP/FB, Imee Marcos/FB


Tahasang sinabi ng Malacañang na hindi dapat mabahala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa mga paratang na ibinato ni Sen. Imee Marcos sa kaniya mismong kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kaugnay ito sa suporta ng uniformed personnel sa administrasyong Marcos Jr. matapos ilantad ni Sen. Imee na diumano’y gumagamit ng ilegal na droga si PBBM.

MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM-Balita

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO), kasama ang Malacañang Press Corps (MPC) nitong Martes, Nobyembre 18, ibinahagi ni PCO Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na hindi mabigat ang mga alegasyon ng mambabatas sa Pangulo.

“Hindi mabigat ang alegasyon ni Sen. Imee, walang basehan, kuwentong walang kuwenta, kuwentong kutsero. So bakit magkakaroon ng pag-aalala ang mga miyembro ng AFP?” ani Castro.

Aniya pa, hindi ito dapat seryosohin sapagkat isa lamang itong ingay.

“Wala, ‘di dapat seryosohin ang mga alegasyon ni Sen. Imee. Isa lamang itong ingay,” saad pa niya.

Matatandaang kamakailan ay nanindigan si AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner na mananatili ang kanilang katapatan sa Konstitusyon, sa kabila ng mga ingay laban sa administrasyon.

“Ang Armed Forces of the Philippines ay hindi gagawa ng unconstitutional activites. We will stick to the rule of law at hindi po tayo lalabag dito. Hindi po tayo magkukudeta. Hindi tayo magmi-military junta. Dahil ang kawawa po ay ang ating bansa ‘pag ginawa natin ito,” ani Brawner.

KAUGNAY NA BALITA: Brawner sa mga umuudyok sa AFP na mag-kudeta: ‘Wag na po kayong umasa!’-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA