Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay itinatag noong Agosto 8, 1967, sa inisyatibo ng limang bansa: Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at ng Pilipinas.
Nang sumapit ang taong 1999, pormal na naging sampu ang miyembro nito, matapos umanib sa organisasyon ang mga bansang Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar, at Cambodia.
Ngunit nitong taong 2025, nagbukas ang pintuan ng organisasyon upang pormal na tanggapin ang bansang Timor-Leste, bilang kaanib ng asosasyon.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Ang pagkakatatag ng ASEAN noong 1967-Balita
Ano ang dahilan kung bakit ngayon lamang naging parte ng ASEAN ang Timor Leste?
Maraming mga dahilan kung bakit ngayon lamang pormal na umanib ang bansang Timor-Leste sa asosasyon.
1. Taong 2002 noong ganap na kinilala ng United Nations (UN) ang Timor Leste bilang isang independent nation.
Ang Timor-Leste ay isang bansa na matatagpuan sa silangang bahagi ng Indonesian archipelago. Bago pa sumapit ang Mayo 20, 2002, ang kanlurang bahagi nito ay teritoryo ng Indonesia. Samakatuwid, nakadepende pa sa ibang bansa ang Timor-Leste ng mga panahong iyon.
Taong 2002 lamang noong ganap na kinilala ng UN bilang independent nation ang Timor-Leste, na siyang tinaguriang “Asia’s youngest democracy.”
Inasikaso agad ng bansa ang proseso upang mapabilang sa ASEAN, ngunit hindi agad ito naging matagumpay. Pormal lamang nilang naisumite ang kanilang membership application noong 2011, upang sila ay maging kasapi na ng ASEAN.
2. Noong 2022 Asean Summit sa Cambodia, kinilala ito bilang ikalabing-isang miyembro, ngunit ito ay binigyan lamang ng “observer status.”
Noon pa lamang 2022 ASEAN Summit sa Cambodia, inaasahan nang magiging parte ng asosasyon ang Timor-Leste, ngunit ito ay hindi agad naaprubahan dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng institutional readiness, economic stability, at human capital development.
Nabibigyan ng pagkakataon ang Timor-Leste na makibahagi at makadalo sa ilang mga pagpupulong, na layong bigyang kaalaman ang bawat estado na payabungin ang kani-kanilang mga ekonomiya.
Binigyan ng tatlong taon ang Timor-Leste bago pormal na pasinayaan ng ASEAN ang membership nito.
3. Mariin ang pagtutol ng bansang Singapore na ianib sa ASEAN ang Timor-Leste.
Isa ang bansang Singapore sa mga mariing tumututol na tanggapin ang Timor-Leste bilang kasapi ng ASEAN. Para sa kanila, hindi pa umano sapat ang economic capability at workforce readiness ng Timor-Leste.
Sa tingin nila, humaharap ang naturang bansa ng malaking isyu sa sektor ng edukasyon, pati na rin sa bilang ng “skilled professionals.”
Ngunit habang tumatagal, ipinakita rin ng bansa ang suporta sa Timor-Leste, na layong panatilihin ang regional stability sa Timog-Silangang Asya.
Isa lamang ang isa sa mga pinakamatunog na layunin ng ASEAN kung bakit napaanib ang bansang Timor-Leste sa kanilang asosasyon, at ‘yon ay ang panatilihin ang balanse at matibay na koordinasyon sa rehiyong kinabibilangan ng labing-isang mga bansa.
Matatandaang dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ika-47 ASEAN Summit, na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, mula Oktubre 26 hanggang 28.
Vincent Gutierrez/BALITA
ALAMIN: Bakit ngayon lang naging miyembro ng ASEAN ang Timor-Leste?
Photo courtesy: Unsplash, ASEAN