Itinatag ang Association of Southeast Asian Nations o mas kilala bilang ASEAN noong Agosto 8, 1967 ng mga bansang Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, at ng Pilipinas.
Ang adhikain ng limang bansa na ito ay magtayo ng isang rehiyon sa timog-silangang Asya na umaayon sa kapayapaan at pausbungin ang ekonomiya ng bawat isa. Habang tumatagal, nadaragdagan ang mga bansang umaanib sa organisasyon.
Nariyan ang Brunei na nakilahok noong 1984, sinundan ng Vietnam noong 1995, Laos at Myanmar noong 1997, at bansang Cambodia noong 1999.
Inaasahan namang buo nang aanib ang East Timor sa ASEAN ngayong taon.
Magmula nang maitatag ang ASEAN, mas pinagtibay nito ang relasyon at alyansa ng bawat nasyon sa rehiyon, ngunit hindi naiwasan ang pag-usbong ng mga isyung naghahati sa mga bansang kabilang dito. Halimbawa na lang dito ay ang “civil war” sa loob ng Myanmar, kaguluhan sa pagitan ng Cambodia at Thailand, at ang isyu sa tunay na may karapatan sa West Philippine Sea.
Matatandaang bago pa man mamayagpag bilang isa sa mga pinakakilalang organisasyon sa mundo ang ASEAN, nakilala na ang Southeast Asia Treaty Organization (SEATO) na itinatag noong 1954, at Association of Southeast Asia (ASA) noong 1961 — ngunit ang mga ito ay may mga limitado lamang na probisyon.
Dulot nito, pinasinayaan ang deklarasyon ng ASEAN noong 1967, na pinirmahan sa Bangkok, Thailand. Ito ay naglalayong pigilan ang mabilisang pagkalat ng komunismo sa Asya, na nagbabadya ng pagkabahala sa mga bansa rito.
Matapos ang Vietnam War noong 1970s, mas tumindi ang ambisyon ng ASEAN na mas paigtingin pa ang matibay na relasyon ng mga bansa sa timog-silangang Asya.Dahil dito, ginanap ang ASEAN’s first summit sa Bali, Indonesia, noong 1976.
Dito pinag-usapan ang mas malalaking plano ng organisasyon, tulad ng pagpirma sa “Treaty of Amity and Cooperation,” at ang pagmungkahi ng mga miyembro nito na isali ang mga bansang Brunei, Cambodia, Laos, Myanmar, at Vietnam sa ASEAN bago matapos ang dekada ‘90s. Kasunod nito, naipakilala naman ang ASEAN Free Trade Area (AFTA) noong 1992, at ang paglaban umano sa Asian financial crisis noong 1997.
Sa ika-58 na anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN, ipinagdiriwang ngayong araw ng pamahalaan ng Pilipinas, kasama ang mga miyembro ng organisasyon, ang ASEAN Day 2025 na may temang “Towards Inclusive & Sustainable ASEAN Future,” sa Coconut Palace, Pasay City.
Ito ay inisyatibo ng gobyerno bilang isa sa mga “founding members” at “pioneers” ng naturang asosasyon.
Katuwang ang isa’t isa, patuloy na pinalalago ng ASEAN ang ekonomiya, seguridad, at kapayapaan sa rehiyon.
Vincent Gutierrez/BALITA