Usap-usapan ang Facebook post ng mamamahayag na si Ramon "Mon" Tulfo hinggil sa tila pagkadismaya niya sa mga taga-Manay, Davao Oriental matapos ang pagbisita sa lugar ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. upang mamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng lindol, at kumustahin na rin ang kanilang kalagayan.
Mababasa sa post ng mamamahayag na bagama't taga-Manay raw siya, ikinahihiya raw niya ang umano'y ipinamalas na asal ng mga taga-roon nang bumisita ang Pangulo.
Sa halip daw na suklian ang pagmamagandang-loob ng Pangulo, sinalubong umano siya ng cheer na "Sara! Sara!" na tumutukoy kay Vice President Sara Duterte.
"Hay, mahal kong Manay, di kita maintindihan! Ako’y taga Manay, pero kinahihiya ko ang asal ninyo," aniya.
"Pumunta ang Pangulo ng Pilipinas sa ating bayan upang magpakita ng pagkalinga sa naging biktima ng lindol, pero di man lang kayo nagpakita ng pasasalamat."
"Lumapag sa helicopter si BBM kahapon sa Manay, Davao Oriental—ang epicenter ng napakalakas ng lindol—upang ipadama sa mga tao doon na ang gobiyerno ay parang magulang at nag-aaalala sa kapakanan ng kanyang mga anak. Pero, anong ginawa ninyo?"
"Sa halip na matuwa kayo at suklian ang kabutihang-loob ni BBM ay nagsigaw-sigaw kayo ng 'Sara, Sara!'"
Ang punto ni Tulfo, hindi raw muna isinantabi ng mga taga-Manay ang politika kahit panandalian lamang, at ito ay pagpapakita ng kawalan ng kagandahang-asal.
"Look, I have no love lost for BBM. Para sa akin ay malayo siya sa kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr. But no matter how the people of Manay regard BBM, they should respect his position if they can’t respect his person," giit pa niya.
Sumunod, sinabi ni Tulfo na wala umanong maaasahan sa kaniyang mga kababayan.
"Pero kung sabagay, wala kang maaasahan sa aking mga kababayan. Ano mang kabutihang-loob ang ipapakita mo sa kanila ay masama ka pa rin. Kung sa English, they feel entitled; they think the world owes them a living. Palibhasa karamihan sa kanila ay pusaka, mga taga-bundok na malayo sa sibilisasyon," aniya.
“'Class' ang tawag diyan sa English. Sa mga may pinag-aralan na taga Manay ay alam nila ang kahulugan ng 'class' o 'refinement.'"
Kaya mensahe niya sa mga taga-Manay, huwag daw sanang ikagalit ang pagsita at pagpuna niya sa asal ng kaniyang mga kababayan.
"Huwag sana kayong magalit sa aking pagpuna sa kawalan ng magandang asal ninyo, mga kababayan kong taga Manay.
Masakit man ay tanggapin natin na kulang pa tayo ng refinement. Kaya hanggang ngayon ay third class municipality pa rin ang Manay," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Ramon Tulfo/FB
Makikita naman sa latest Facebook post ng Pangulo ang pagtungo niya sa Davao Oriental upang personal na masaksihan ang mga pinsalang dulot ng lindol, at makumusta na rin ang mga residente.
"Sa panahon sa pagsulay diin gitay-og sa kusog nga linog atong mga komunidad, kita magkahiusa isip usa ka nasud," anang Pangulo.
"Personal kong nibisita sa Davao Oriental aron makita ang sitwasyon ug makatabang sa atong mga kaigsuonan nga matukod balik ang ilang mga panimalay, ingon man ang mga eskwelahan ug hospital, ug arun masiguro nga ang gikinahanglang suporta mahatag insigida sa matag pamilya."
"Sama-sama tayong babangon muli!" aniya pa.
Sa kaugnay na balita, naging usap-usapan din sa social media ang naging umano'y tugon ni dating Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo-Teo sa panawagan ng tulong ng mga taga-Manay, Davao Oriental matapos ang pagyanig ng magnitude 7.4 na lindol noong Biyernes, Oktubre 10.
Mababasa sa Facebook post ni Tulfo-Teo ang tugon niya sa mga taga-Manay na tila naghahanap umano ng tulong mula sa kanila.
"To the people of Manay in response to your call for our help! Ang mga Tulfo siblings ay lagging tumutulong sa inyo maski walang sakuna. Medical assistance from our own pocket. Nabigyan kayo ng malaking SLP, AICs, Tupad sa tulong ni Sen Erwin kaya na prioritize kayo ng Dswd and DOLE ang assistance sa Davao Oriental. Nag donate kami ng ilang hectares na lupa kung saan na naka tayo ngayon ang hospital ninyo! Hindi pa ba ito sapat na tulong?" mababasa sa post.
Mababasa pa, "My mom is from Manay and my Dad is from Ilocos. But we always prioritize davao oriental. We never grew up in Manay its our relatives who stayed there. Erwin is in Geneva for a conference. We have been communicationg on the situation in Manay . He has plans on what help he will be giving. I have been in contact with Gov Nelson. CAN WE NOT WAIT!!!"
As of 9:57 ng gabi ng Linggo, Oktubre 12, hindi na makikita ang nabanggit na kontrobersiyal na post sa kaniyang Facebook account, subalit nakapag-screenshot na ang mga netizen at kumalat na ito sa social media, na talaga namang pinag-usapan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Can we not wait?' Post ni Wanda Tulfo-Teo sa 'call for help' ng mga taga-Manay, niyanig ng reaksiyon
Nakipag-ugnayan ang Balita kay Tulfo-Teo upang hingin ang kaniyang panig sa isyu subalit wala pang tugon mula sa kaniya.