December 13, 2025

Home BALITA National

HS Bojie Dy nagbigay-parangal sa mga guro, tiniyak ang mas pinabuting mga panukala

HS Bojie Dy nagbigay-parangal sa mga guro, tiniyak ang mas pinabuting mga panukala
Photo courtesy: MB

Taos-pusong nagbigay-parangal sa mga guro si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, bilang pagdiriwang ng National Teachers’ Day nitong Linggo, Oktubre 5.

“Ngayong World Teachers’ Day, buong puso nating pinararangalan ang ating mga guro bilang tunay na huwaran ng kaalaman at inspirasyon. Hindi matatawaran ang kanilang ambag sa paghubog ng isipan at pagkatao ng kabataan, at sa pagtitiyak ng isang mas maliwanag na kinabukasan para sa ating bayan,” saad ni Dy sa kaniyang pahayag. 

Kinilala rin niya ang mga pagsubok na kinahaharap ng mga guro, at pinasalamatan ang mga ito sa kanilang matibay na determinasyon para patuloy na makapagturo. 

“Napakalaki ng hamon na kinakaharap ng ating mga guro. Ngunit sa kabila ng kakulangan ng pasilidad, bigat ng trabaho at pagsubok ng makabagong panahon, hindi nila tinalikuran ang kanilang tungkulin. Bagkus, lalo pa nilang pinatatag ang kanilang dedikasyon at pagmamahal sa serbisyo. Lubos ang ating pasasalamat sa kanilang walang sawang paglilingkod at walang humpay na sakripisyo,” pagkilala niya. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Bilang tugon, tiniyak ni Dy na makaaasa ang mga guro na isusulong ng kongreso ang mga programa at panukalang-batas na magpapabuti sa antas ng kanilang pamumuhay. 

“Kami po sa Kongreso ay naninindigan na isulong ang mga panukalang batas at programang magtataas sa antas ng pamumuhay ng ating mga guro — mula sa mas maayos na benepisyo at mas mataas na sahod hanggang sa mas maraming pagkakataon para sa kanilang propesyonal na pag-unlad. Makaaasa ang ating mga guro na kaagapay nila ang Kongreso sa lahat ng laban,” pagtitiyak ng Solon. 

“Muli, maligayang World Teachers’ Day sa ating mga guro! Kayo ang tunay na bayani ng ating bayan. Taos-puso ang aming pasasalamat at hangad namin ang inyong patuloy na tagumpay. Mabuhay kayo!” dagdag pa niya. 

Sean Antonio/BALITA