December 15, 2025

Home SHOWBIZ

Bayani Agbayani, umapelang ibalik parusang bitay para sa mga korap

Bayani Agbayani, umapelang ibalik parusang bitay para sa mga korap
Photo courtesy: Bayani Agbayani (IG)

May panawagan sa pamahalaan ang aktor at komedyanteng si Bayani Agbayani tungkol sa mga pulitiko na umano’y “matagal nang nagnanakaw” sa kaban ng bayan. 

Ayon sa ibinahaging saloobin ni Bayani sa kaniyang Instagram kamakailan, tinukoy niya mismo ang mataas at mababang kapulungan ng pamahalaan na ibalik ang parusang bitay para matigil na umano ang korapsyon sa bansa. 

Photo courtesy: Bayani Agbayani (IG)

Photo courtesy: Bayani Agbayani (IG)

“Ako po’y nananawagan sa ating legislative branch ng government. Sa ating mataas na kapulungan at sa ating mababang kapulungan ng kongreso. Para po matigil na ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga ganid, suwapang, makakapal ang mukha,” panimula ni Bayani.  

'Thank You Lord!' Ruffa Gutierrez nagpasalamat sa pagbuti ng lagay ni Eddie Gutierrez

Pagpapatuloy pa niya, “urgent po, gumawa kayo ng batas. Kung sino man po ang nagtatrabaho sa gobyerno ang magnakaw ng piso hanggang trillion pesos ay bitay ang hatol.” 

Inisa-isa ni Bayani ang mga maaaring parusang maisasampa sa mga umano’y korap sa pamahalaan.

“Kamatayan, firing squad, lethal injection, [at] silya elektrika. Gawin niyo po ‘yan. Sana po gawin niyo. Kasi ‘yong death penalty, ayaw niyo dahil kasama do’n ang plunder, e,” anang komedyante.

Nagawa pang magmakaawa ni Bayani sa panawagan niyang maibalik ang nasabing parusa dahil umano sa matagal na at walang kabusugang pagnanakaw ng mga korap na pulitiko. 

“Ngayon, gawin niyo po ngayon ‘yan. Para pong awa niyo na po. Para po matigil na po ito [dahil] matagal niyo na pong ginagawa ito, e. Fetus pa lang kami, nagnanakaw na kayo. Wala kayong kabusugan, hanggang ngayon nagnanakaw pa rin kayo.

“Ang gaganda na ng buhay niyo. Magandang bahay [at] magagandang kotse [dahil] sa mga ninakaw niyo no’ng araw,” ani ni Bayani. 

Pinatutsadahan din ni Bayani ang mga naghahari umanong pamilya ng mga politiko na matagal na nang nanunungkulan sa pamahalaan. 

“At kung mapapansin niyo, iisa lang ang apelyido niyo. Lolo niyo, tatay niyo, kapatid niyo, pinsan niyo, kayo-kayo ang nagnanakaw mula noon sa gobyerno. Ang kakapal ng mukha niyo,” pagtatapos niya. 

Samantala, wala namang tiyak na pangalang binanggit si Bayani kaugnay sa mga sinabi niyang korap sa gobyerno na kailangang panagutin sa pamamagitan ng parusang kamatayan. 

Matatandaang una na ring nanawagan ang komedyante, TV host at Unkabogable Star na si Vice Ganda kaugnay sa pagbabalik ng death penalty para sa mga umanoy mapapatunayang korap, kurakot, o tiwaling opisyal ng pamahalaan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Dapat patayin sila!' Vice Ganda, isinusulong death penalty sa mga korap

Isa si Vice Ganda sa mga celebrity, mainstream at social media personality na nakiisa sa nabanggit na kilos-protesta, at isa rin siya sa mga nagbigay ng talumpati noong Setyembre 21, 2025. 

Para kay Meme, panahon na para ibalik ang death penalty sa bansa, at kailangan daw makulong din ang pamilya ng mga korap na opisyal na nakinabang sa "ninakaw" na pera ng taumbayan.

“Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!" deretsahang sigaw ni Vice. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita