December 12, 2025

Home BALITA Politics

Maisug, Makabayan sa Luneta posible ba?

Maisug, Makabayan sa Luneta posible ba?
Photo Courtesy: Hakbang ng Maisug, Koalisyong Makaayan (FB)

Nakatakdang magkasa ng malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa Luneta sa darating na Setyembre 21, Linggo, para paigtingin ang pagtutol sa talamak na korupsiyon sa gobyerno. 

Lalahukan ito ng mga estudyante, lider-kabataan, manunulat, guro, religious communities, artista, civil society groups, at iba pa.

Kaya sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Sabado, Setyembre 13, nausisa ang dalawang kinatawan ng Makabayan bloc sa Kongreso sa posibilidad na mahaluan ang ikakasang rally sa Luneta ng mga indibidwal o grupong iba ang politikal na paniniwala kagaya ng “Hakbang ng Maisug.” 

Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, “‘Yong rally sa Luneta ay kontra sa korupsiyon, partikular dito sa infrastructure of flood control program na binubulsa [at] kinukurakot.”

Politics

'Ninakaw nila ang Pasko!' Sen. Imee, ibinalandra pulang bag na buwaya

“Bukas ito sa lahat ng laban sa korupsiyon. Pero kung Maisug, alam naman natin ‘yong Maisug [ay maka-Duterte]. Alam natin napakalaki rin ng [kanilang] flood control [budget],” dugtong pa ng kongresista.

Kaya naman hindi umano naaangkop ang Maisug sa kilos-protestang ikakasa sa Luneta dahil may pananagutan din umano ang mga Duterte.

Matatandaang inanunsiyo kamakailan ni dating executive secretary Vic Rodriguez sa kaniyang Facebook post ang kilos-protestang nakatakda rin sanang ikasa sa EDSA Shrine nitong Sabado, Setyembre 13, para isulong ang transparency, accountability, peace, at security.

Samantala, sa pananaw naman ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co, wala umanong isasalba sa pagpapanagot sa mga korap. 

“Walang maisasalba sa pagpapanagot sa korupsiyon. Hindi si Marcos, Jr., hindi si Duterte, hindi rin kung sinong mga senador o politiko, at ‘yong mga backers nila. Lahat ‘yan kailangang mapanagot,” saad ni Co.

Dagdag pa niya, “Wala rin tayong nakikitang isang opisyales na malinis dito. Ito ‘yong nakita ng PCIJ report na lahat ng mga pangulo, ‘yong mga top contractors ngayon, sila rin ‘yong top contractors noon. Ibig sabihin, iba’t ibang pangulo na ang nag-check sa ganitong klaseng korupsiyon.”