Pinatutsadahan ni Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., matapos kuwestyunin ng kongresista ang paggamit ng flood control funds sa Davao City.
Sa pagbisita ng acting mayor sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands para makita ang ama at dating pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes, Agosto 29, nagbigay siya ng maikling pahayag sa panukala ni Abante na tanungin ang kapatid na si Congressman Paolo “Pulong” Duterte tungkol sa kung magkano ang pondong natanggap nito para sa flood control project ng Davao at ang naging alokasyon nito noong naging kongresista ito.
“Hindi ko naman alam bakit siya sumagot, hindi naman siya kausap,” saad niya tungkol sa naging pahayag nito na isa lamang “PR stunt” ang imbestigasyon ng kasalukuyang administrasyon sa flood control.
“Anyway sinagot na siya ng kapatid ko. Transparent naman iyong DPWH at ‘yong kapatid ko kung gusto talaga nilang tingnan. Wala kaming problema diyan. Kayo iyong may problema. Tingnan ninyo ang mga sarili ninyo,” dagdag nito bilang pagpalag sa nasabing panukala ng solon.
Matatandaang sa press briefing noong Huwebes, Agosto 28, hinamon ni Abante si Acting Mayor Baste matapos ang pahayag nito tungkol sa pagiging “PR stunt” ng imbestigasyon sa mga anomalya ng flood control.
"Ang suggestion ko kay Mayor Baste, tanungin niya 'yong kaniyang kapatid na congressman. Magkano ba ang pondong nakuha ni Congressman Pulong noong congressman siya noong panahon ng kaniyang father?” aniya.
“Magkano po ‘yong nakuha, i-reveal niya kung magkano, kung saan ginamit ang pondong yan. Kung papaano ginamit ‘yan, kung ilang bilyon ang napunta sa flood control projects, at kung bakit malaki pa ang baha sa Davao. Kinakailangan tanungin niya ‘yong kapatid niya diyan. Kung talagang ‘PR stunt’ ‘to, patunayan niya or may katotohanan ang sinasabi, ” hamon nito.
KAUGNAY NA BALITA:
Huwebes din, ipinahayag ni Rep. Pulong Duterte kay Abante na ang lahat ng proyekto para sa flood control sa kaniyang distrito ay maayos na naipatupad at nakumpleto.
“If he really wants to know the exact figures, I am directing DPWH District and Regional Offices to provide him the official data and amounts,” saad nito.
"Wala naman nagbabagsakan na mga flood control projects dito, wala din mga ghost projects dito. Kung may baha man dito, humuhupa din agad hindi kagaya ng mga swimming pool niyo dyan sa lugar ninyo," dagdag nito.
Sean Antonio/BALITA