December 13, 2025

Home BALITA

Sen. Padilla, dismayado sa pagkadehado sa kalakalan ng Pilipinas sa Amerika

Sen. Padilla, dismayado sa pagkadehado sa kalakalan ng Pilipinas sa Amerika
Photo courtesy: Senate of the Philippines, Unsplash

Hindi napigilang magpahayag ng saloobin ni Senador Robin Padilla sa naging talakayan ng pagdinig ng Senado sa Committee for Economic Affairs joint with Foreign Relations; and Ways and Means.

Ayon sa inupload na post sa Facebook ni Padilla ngayong Huwebes, Agosto 28 dismayado aniya siya sa resulta ng pagiging dehado ng Pilipinas sa pakikipagkalakalan nito sa America.

“Sa daloy ng talakayan ngayon sa kasunduan ng Pilipinas at Estados unidos de Amerika patungkol sa kalakalan, ikinalulungkot ko po na totoong totoo na dehado tayo,” saad ng senador. 

Binahagi rin ni Padilla sa kaniyang privilege speech kung bakit nais niyang mapasama sa pagdinig ng Senado kaugnay sa usaping ito ay dahil negatibo umano para sa kaniya ang mga nabasa niyang artikulo tungkol sa kalakaran sa pagitan ng mga nasabing bansa. 

Parachute ng skydiver, sumabit sa traffic light; muntik na mabigti!

“[...] Gusto ko pong maintindihan higit sa lahat para akin pong maipaliwanag sa ating mga kababayan na itong taripang isinampal sa atin ay makabubuti,” ‘ika ni Padilla. 

Dagdag pa niya, “[S]apagkat kapag binasa ninyo po ang maraming mga artikulo ay puro negatibo. Kaya po ako ay nagpumilit na sumama sa usapin na ito[...]” 

Matatandaang nagtungo noong Hulyo 20 si Pangulong Bongbong Marcos sa Amerika para makipagpulong sa presidente ng America na si Donald Trump.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nasa Washington, D.C na!

Layunin ng pagbisitang ito ng pangulo na muling palakasin ang alyansang matagal nang kasunduan ng Pilipinas at America.

Isa sa mga tinalakay sa pulong noon ay ang negosasyon hinggil sa 20% na taripang ipapataw ng Amerika sa Pilipinas. Nagkasundo ang dalawa na ibaba ng 1% ang itinakdang bayarin.

Isa rin sa mga umalma rito ay ang kapatid na senador ng pangulo na si Sen. Imee Marcos noon dahil hindi niya umano makita kung saang parte nanalo ang Pilipinas sa kasunduang napag-usapan ng dalawang pangulo.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, umangal sa pakikipagsundo ni PBBM sa Amerika

Samantala, kinampihan naman ng taumbayan ang sentimiyento ni Sen. Padilla sa kaniyang post. 

Narito ang ilang komento na iniwan ng mga tao: “D nanakakagulat yun Sir,alam nman natin may admin tayo walang paki sa atin...iba yong interest.”

“Dehado sa ibang lahi, Mas dehado tayo idol sa mga kababayan nating sakim.. Nag bibi-bihingan nalang yan mga yan kunwari walang naririnig[...]”

“[N]akakawala n tlga ng pag asa s bansang ito,masakit mang sabihin pro nakakahiya ng mging pilipino.” 

“Gawin na lng ng America na probinsya nya ang pilipinas bka mas may maramdaman tayong pag unlad kaysa pamunuan ng mga taong walang ginawa kundi mangurakot.”

“Tapos tuwang tuwa Ang nakaupo sa pinataw na taripa pinagmamalaki Ang friendship nila.” 

Mc Vincent Mirabuna/Balita