Sa Lunes, Hulyo 28, ay muli na namang haharap si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa taumbayan upang i-ulat ang mga nagawa niya sa loob ng isang taon.
Sa Pilipinas, ang State of the Nation (SONA) ay isang konstitusyunal na obligasyon ng isang presidente na nararapat niyang gawin tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, simula noong 1979.
Dito, nabibigyan ng pagkakataon ang isang pangulo na ibahagi ang kaniyang mga plano, pasasalamat, at mga nagawa para sa bayan. Sa SONA, literal na nagre-report ang isang presidente sa kaganapan sa bansa ng isang taon, at mga nais niyang mangyari sa susunod pang mga taon.
Ang unang SONA sa kasaysayan ng bansa ay isinagawa ni dating Pangulong Manuel L. Quezon noong Nobyembre 25, 1935, sa Legislative Building sa Maynila (ngayon ay ang National Museum of Fine Arts.)
Ang dating presidente namang si Ferdinand Marcos Sr., na pinamunuan ang bansa sa loob ng 21 taon, ay nagsagawa ng 20 SONA, pinakamarami sa kasaysayan.
Nag-set din ito ng record sa may pinakamahabang SONA sa kasaysayan, na mayroong 29,335 na mga salita. Ito ay ang kaniyang SONA noong 1969.
Pinakakaunti naman ang kay dating Pangulong Sergio Osmeña, Sr. na nagkaroon lamang ng isang SONA, noong Hunyo 9, 1945. Malaki ang naging impluwensya ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng mga Hapones kung kaya’t isa lamang ang naging SONA ni Osmeña, Sr.
Ang pinakamaiksi naman ay ang SONA ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2005, na mayroon lamang 1,551 na mga salita. Tumagal lamang ito ng 25 minuto at 55 segundo.
May mga panahong hindi naisagawa ang SONA, sa kani-kanilang mga dahilan.
Noong 1942 hanggang 1944, walang SONA ang naisagawa sa bansa bunsod ng pananakop ng mga Hapones.
Wala ring SONA noong 1986 matapos maging presidente ni dating Pangulong Corazon Aquino. Isinagawa niya ang kaniyang unang SONA noong taong 1987.
Ang lahat ng mga naging presidente ng bansa ay nagsipagsagawa ng kani-kanilang SONA, pero may dalawang hindi, ito ay ang unang Pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo at dating Pangulong Jose P. Laurel. Ang dahilan nito, iba ang Konstitusyon na mayroon noong mga panahon nila, at hindi nito inoobliga ang mga pinuno ng bansa na isagawa ito.
Kakaiba naman ang ikalawang SONA ni dating Pangulong Elpidio Quirino noong Enero 23, 1950, sapagkat ito ay kaniyang isinagawa sa Johns Hopkins Hospital sa Amerika. Sa tulong ng isang radio broadcast, naipadala niya ang kaniyang mga mensahe sa mga Pilipino.
Si dating Pangulong Benigno Aquino, Jr. naman ay nag-SONA noong 2010 gamit ang wikang Filipino sa buo niyang talumpati.
Saan naman isinagawa ang SONA noon, bago pa gawin ito sa Batasang Pambansa sa Quezon City?
Isinagawa ng mga dating Pangulong Sergio Osmeña, Sr. at Manuel Roxas ang kanilang mga SONA sa SH Loyola (na dating temporary home of Congress in Lepanto Street in Manila).
Ang mga dating Pangulo na sina Manuel L. Quezon, Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal, ay isinagawa ang kani-kanilang mga SONA sa dating Legislative Building.
Sa 20 SONA ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ginamit niya ang mga sikat na establisyimento ngayon tulad ng Quirino Grandstand, Philippine International Convention Center, Palasyo ng Malacañang, ang dating Legislative Building, at ang Batasan.
Nang umupo si dating Pangulong Corazon Aquino, ang lahat ng SONA ng mga presidente sa ating bansa ay isinagawa na sa Batasan.
Gaano man kahaba o kaiksi, gaano man katagal o kabilis, o kahit saan man, sinasalamin ng SONA ang mga pangako at plano ng isang lider ng bansa. Sa tulong ng SONA, nauunawaan ng sambayanang Pilipino ang estado ng ating bayan. Ito rin ay nagsisilbing pag-asa ng mga Pilipino, na posible ang pagbabago at progreso.
Vincent Gutierrez/BALITA