Inalmahan ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y pamumulitika raw ng administrasyon sa imbestigasyon sa PrimeWater.
Sa press briefing ni Palace Secretary Claire Castro nitong Biyernes, Mayo 2, 2025, tahasan niyang iginiit na wala na umano silang inaasahang magandang lalabas mula sa bibig ng Bise Presidente.
“We do not expect anything nice or any nice word from the Vice President in favor of the President and of the present administration. She will always use that excuse or defense or pamumulitika without really answering or responding directly to the issues,” ani Castro.
“Marami na po na mga kababayan natin, ang customers po ng Prime Water na siyang umiiyak. Hindi po ito bago, kaya po nakakapagtaka kung bakit hindi ito nasolusyunan sa nakaraang administrasyon. Anyway, namayagpag naman po ang Prime Waters noong 2018, sa panahon po ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” saad ni Castro.
“Kung anumang pakikipag-argumento po o pag-diskusyon ng ating Bise Presidente, sana po ay i-level up po natin, rason sa rason. Datos sa datos. Huwag gamitan ng masasamang salita or pagmumura. Tandaan natin, ang Prime Waters, anoman ang naging transaksyon nito, dahil umiiyak ang karamihan, dapat po talagang maimbestigahan. So wala pong pamumulitika ito,” aniya.
Matatandaang kamakailan lang nang igiit ni VP Sara sa media ang nasabing pamumulitika ng gobyerno sa pagkakasa ng imbestigasyon sa Prime Waters.
“Malamang, dahil lahat naman ng galawan ngayon ng administrasyon ay dahil sa politika… Wala na akong nakita na ginawa ng administrasyon na ito para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan, kundi lahat ay pag-atake lamang sa politika at sa mga taong hindi nila kayang takutin at hindi nila kayang bilhin,” saad ni VP Sara.
Ang PrimeWater ay pagmamay-ari ng pamilya ni senatorial candidate Camille villar, na siyang inendorso ni duterte kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara sa pag-endorso kina Sen. Imee, Rep. Villar: ‘United by a common vision’