Hinikayat ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na iboto sa pagkasenador si dating Department of Local and Interior Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Sa latest Facebook post ng dating kalihim nitong Miyerkules, Abril 23, makikita ang quotation pubmat kung saan binanggit ni Arroyo ang tungkol sa pagkampi umano ni Abalos sa kaniya noong EDSA 2.
“Sa lahat ng mayor ng Metro Manila, isa lang ang kumampi sa atin, si Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong. Kaya sana, kayong lahat, tulungan ninyo ako. Gawin natin siyang Senator Benhur Abalos,” saad ni Arroyo.
Kaya naman pinasalamatan ni Abalos ang pag-endorsong ito sa kaniya ng dating pangulo.
“Maraming salamat, former president Gloria Macapagal-Arroyo. Dadalhin natin sa Senado ang parehong tapang at serbisyong pinatunayan natin noon,” ani Abalos.
Matatandaang isang pampolitikang pagkilos ang EDSA 2 na nangyari noong Enero 2001 na nagpatalsik sa noo’y Pangulong Joseph Estrada at nagluklok naman kay Arroyo sa pagkapangulo dahil sa pagiging bise-presidente nito.