Inendorso ng doctor-vlogger at umatras na senatorial candidate na si Doc Willie Ong ang reelectionist na si Senador Imee Marcos para sa 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Abril 22, ibinahagi ni Ong na anim na taon na umanong tumutulong si Marcos sa mga pasyenteng may problema sa puso at kidney, dahilan daw ng pagsuporta niya rito para sa Senado.
“6 taon nang tumutulong si Senator Imee Marcos sa Heart Warriors, mga pasyenteng may butas ang puso at sa mga kidney patients,” ani Ong.
“Buo ang suporta ko kay Sen Imee Marcos para sa Senado. Marami siyang matutulungan,” dagdag pa niya.
Agad namang nagpahayag ng pasasalamat ang senadora sa pag-endorso ni Ong sa pamamagitan ng isa ring Facebook post nito ring Martes.
“Doc Willie, from the bottom of my heart—thank you so much. Your endorsement means more than words can say,” ani Marcos.
“Hindi lang ito suporta sa kandidatura ko—it’s a reaffirmation of the bond we built through Heart Warriors Foundation, a cause that literally gave life and second chances to so many,” saad pa niya.
Magtatandaang noong Pebrero nang ianunsyo ni Ong na opisyal niyang binabawi ang kaniyang kandidatura sa pagkasenador upang pagtuunan daw ang kaniyang kalusugan.
MAKI-BALITA: Willie Ong, inatras kandidatura sa pagkasendor
Inaasahang gaganapin ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.