Si Judas Iscariote ay kilala bilang isa sa mga 12 apostol ni Jesus sa Bibliya. Siya ang apostol na ipinagbili si Jesus sa mga nais dumakip sa kaniya para sa tatlumpung piraso ng pilak. Ito ang naging simula ng kaniyang pagtatraydor at pagkakanulo kay Jesus.
Matapos ang kaniyang pagkabigong makaipon ng kapatawaran, winakasan niya ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagtatali ng lubid sa leeg at pagsabit nito sa isang puno.
Kaya naman sa isa sa mga homiliya ni Rev. Father Jowel Jomarsus P. Gatus para sa Semana Santa, ng Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Santo Rosario Pau, Santo Tomas, Pampanga, binigyang-diin niyang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng kataksilan, dahil kung mismong si Jesus nga ay nakaranas matraydor ng isa sa mga disipulo niya at laging kasa-kasama, tayo pa kaya?
Ayon pa kay Father, talagang ang may posibilidad na magtaksil sa atin ay mga taong malalapit sa atin gaya ng asawa, anak, pinakamatalik na kaibigan, kapamilya, kaanak, katrabaho, kapitbahay, at iba pang mahal sa buhay. Ang pinakamasakit pa rito, kung sino pa raw ang hindi mo aakalaing magtataksil sa iyo, sila pa ang gumagawa nito. Minsan naman, mga taong minahal o tinulungan ay "ahas" pala.
"Napakasakit po no'n. Minsan may mga taong nakikipag-close lang sa atin dahil ginagamit lang tayo," aniya.
Kaya naman, nagbigay ng ilang tips ang pari kung sakaling makaranas daw ng pagtataksil mula sa kapwa.
1. "Stop trusting them" o itigil ang pagtitiwala sa kanila
Aniya, "Puwede mong mahalin ang tao kahit na sinaktan ka, pero kapatid, kapag sinaktan ka, huwag mo na pagkakatiwalaan 'yan. Because trust is earned. Kailangan pagtrabahuhan niya, magsumikap siya, kailangan magpagod siya para makuha ulit niya ang iyong tiwala. Minsan nang nabasag ang tiwala mo. Huwag mo nang ibibigay muli ang puso mo diyan. Pagkatiwalaan mo lang ang taong iyan kapag nagbago na siya..."
Giit pa ng pari, wala raw ibang makapagbabago sa masamang ugali ng isang tao kundi sarili lamang o siya lamang.
"Never trust a cheater until they changed," singit pa ni Fr. Gatus.
Iba raw ang pagmamahal sa pagtitiwala. Puwede pa raw mahalin at ipagdasal ang isang tao subalit hindi ibig sabihin, ibibigay na ulit ang buong tiwala lalo na kung minsan na itong nasira.
2. "Stop hurting yourself" o itigil ang pananakit sa sarili
Paliwanag niya, "Heal from that suffering. Heal from that pain. Kapatid, hindi mo naman maibabalik 'yong kahapon eh. Kahit na paano mo iiyak, kahit na paano mo isipin, kahit na paano ka magsisi, kapatid, oo alam ko masakit na sinasaksak patalikod, pero alam n'yo po pinakamasakit? 'Yong pagkatalikod mo, nakita mo kung sino 'yong nagsaksak sa iyo."
Maituturing daw itong "double pain" dahil bukod sa "saksak," nakita mo pa kung sino ang sumaksak o nanakit sa iyo, na maaaring malapit mong kaibigan o minamahal.
"Iyakan mo 'yong pananaksak nila sa iyo. Oo magluksa ka... pero sana, matuto ka naman! Alisin mo na 'yong kutsilyo sa likod mo! Marami sa inyo, iyak nang iyak, kasi nandiyan pa rin! Hindi ka bubuti hangga't hindi mo inaalis 'yang sakit diyan sa puso mo," dagdag pa niya.
3. "Stop thinking about getting revenge" o itigil ang pag-iisip na makapaghiganti
Hindi rin daw trabaho ng tao na humanap ng paraan para gumanti o maghiganti sa taong nanakit, o manisi ng ibang tao para lamang mapagbayaran ang ginawang pananakit sa iyo. Bahala na raw ang Diyos na maningil sa nabanggit na nakasakit ng iyong damdamin.
"Tandaan mo, ang Diyos ang maghihiganti para sa iyo," aniya pa.
Talaga raw may ipinadadalang "Judas" sa buhay natin para makarating tayo sa "muling pagkabuhay." Hindi rin daw katapusan ng buhay ng isang tao kung may nagtaksil man.
Huwag daw tularan si Judas na kung sakaling nagtaksil o nagtraydor ay papatayin ang sarili sa depresyon o lungkot. Magpakumbaba, humingi ng tawad sa nagawan ng kasalanan at sa Diyos, at magsisi.
"Remember, betrayal is not the end. Hindi naman katapusan ng buhay mo kung nagtaksil ka, pinagtaksilan ka," aniya pa.
Ikaw, sino ang "Judas" ng buhay mo ngayon?