Nagsalita na ang Department of Education (DepEd) sa gitna ng lumulutang na pag-aalala ng ilang indibidwal at grupo hinggil sa implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Sa inilabas na pahayag ng DepeEd nitong Miyerkules, Enero 15, sinabi ng ahensya na bukas daw sila mga mungkahi para repasuhin ang nasabing programa.
Ito ay matapos lumabas ang isang explainer video mula sa Facebook page ng Project Dalisay na nagtangkang talakayin ang umano’y panganib ng CSE.
“Nakikinig kami-noon bilang Senador at hanggang ngayon bilang inyong Kalihim. Bukas ang pintuan ng DepEd para sa inyong pahayag at mungkahi, lalo na kung may tiyak na detalye,” saad ni DepEd Secretary Sonny Angara.
“As an implementing agency, we follow legislative developments that might impact our policies. Sinisiguro natin na balanse ang ating pananaw at pagpapatupad,” wika niya.
Dagdag pa ng kalihim, aktibo raw silang nakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders tulad ng mga health service providers at community organization upang tiyakin na masabi at culturally sensitive ang programa.
Bukod dito, naniniwala rin daw ang ahensya sa aktibong pakikiisa ng mga magulang sa pagkatuto ng mga estudyante.
Aniya, “Together, we can create an environment that fosters understanding, respect, and our youth's well-being. We invite all parties to work alongside us as we navigate this important journey.”
Matatandaang nauna nang tiniyak ni Angara sa X (dating Twitter) post noong Martes, Enero 14, na hindi raw nila pamamayagan ang pagtuturo ng “inappropriate concepts” sa paaralan.
Pahayag ng kalihim, “Rest assured we will not accept inappropriate concepts being taught in our schools. We will abide by what the law states. Misgivings about any bills r best shared w our legislator.”