Muling nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga vloggers hinggil sa limitasyon daw ng freedom of expression.
Sa panayam ng isang radio station sa NBI nitong Huwebes, Disyembre 5, 2024 nilinaw ni NBI Director Jaime Santiago na na hindi raw “absolute” ang karapatan ng mga vloggers sa freedom of expression.
“Gusto ko paalalahanan ang ating mga mamamayan, lalo na yung mga vloggers, na ang ating mga right sa freedom of expression ay hindi po absolute, mayroon pong ano 'yan limitation,” ani Santiago.
Binanggit din ni Santiago ang ilan sa mga halimbawa raw na sinasabi ng mga vloggers na maaaring habulin ng pananagutan sa batas katulad ng mga pahayag na maaaring wala raw sapat na batayan.
“Like, for example, ay nag-i-incite ka na ng sedition or masyado nang paninira yung ginagawa mo, wala ka namang basis, eh, puwe-puwede natin 'yang anuhan, imbestigahan at maaari silang makasuhan,” anang NBI Director.
Sinabi rin ni Santiago ang liham na kaniya raw natanggap mula kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers kung saad sinasaad daw nito ang umano’y pang-aatake ng mga trolls sa kanila, na siya raw suportado at pinopondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“I am filing my complaint here now and I hope you are listening. We have been targets of these possibly POGO and drug-money sponsored trolls and vloggers,” saad ng naturang liham ni Rep. Barbers.
Ayon sa NBI, saklaw din daw ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang nasabing aktibidad ng mga trolls at vloggers.