October 31, 2024

Home FEATURES BALITAkutan

Sa halip na maitaboy: Dalawang matandang multo, 'di natakot sa dasal?

Sa halip na maitaboy: Dalawang matandang multo, 'di natakot sa dasal?
Photo courtesy: Pexels/Freepik

Itinuturing ng marami na ang dasal ay mabisang paraan upang makipag-usap sa itinuturing na Poong Maykapal, at puwede ring gamitin bilang sandata laban sa masasamang elemento sa mundo, kagaya na lamang ng pagtaboy sa mga multo at iba pang sugo ng demonyo.

Pero paano kung ang isinasambit na pantaboy na dasal, kaya ka palang sabayan ng multo sa pag-usal?

Kagaya na lamang sa mababasang Facebook post ng netizen na si Nepheline Khaye Karenn Perez, 35-anyos mula sa Lucena City, Quezon Province, na naibahagi niya sa isang kilalang Facebook page na "Follow The Trend Movement" o FTTM, patungkol sa isang nakakikilabot na karanasan noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang.

Hindi niya raw malilimutan ang pangyayaring iyon, na sa pag-aakalang mapapaalis niya sa pamamagitan ng pagdarasal ang dalawang multong nagtangkang kumuha sa kaniya, tila hindi raw natinag at sinabayan pa siya sa pag-usal.

BALITAkutan

'Do you belong in this class?' Ang estudyante sa cubicle 14

Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Nepheline na wala naman siyang third eye o kakayahang makakita ng mga paranormal na elemento, ngunit naniniwala siyang paramdamin siya, o lapitin ng mga multo. 

Noong siya ay 17-anyos, freshman sa University of the Philippines Diliman (UPD), nanuluyan daw siya sa UPD Residence Hall. Isang araw daw ay mabilis na natapos ang isa sa kanilang mga asignatura kaya agad siyang bumalik sa tinutuluyang kuwarto sa nasabing dormitoryo para magpahinga.

"Pagod na pagod kasi ako noon, PE 'yong last subject ko. 3pm 'yon. Natatandaan ko second sem siya ng school year. Ta's bumaba ako, sa basement kami. Madilim talaga doon sa basement. Konti lang kasi ang ilaw sa basement. So sabi ko, 'Ah wala pang mga tao kasi usually lumalabas sila mga 5pm pa,'" kuwento niya sa Balita.

"So ako 3pm ako lang mag-isa. So sobrang pagod na pagod na ako, natulog na lang muna ako, habang naghihintay."

Nagising na lamang daw si Nepheline mula sa mahimbing na pagtulog dahil sa narinig niyang dalawang boses na nagsisigawan. Inakala niya noong una na may nag-aaway lamang sa pasilyo, o dumating na ang roommate, subalit nang idilat niya ang mga mata, nagimbal siya nang matunghayan ang dalawang matandang babaeng tila multo, nakahawak sa magkabila niyang kamay na tila pinag-aagawan siya.

"Ineexpect ko baka may mga tao na dito sa floor namin at baka nandito na rin si roommate. No'ng pagkagising ko, may dalawang babaeng sumisigaw. Tapos parang matanda na sila. Hindi ko alam kung nakabelo ba 'yon basta medyo nakataklob 'yong mukha nila.

Pinipilit niya raw kumawala ngunit hindi niya maigalaw ang katawan niya, maliban sa kaniyang mga mata. 

"Tapos sumisigaw sila, 'yong isa 'Akin siya!' ta's 'yong isa 'Hindi, akin siya!' Ganun basta parang nag-aagawan sila. Tapos pagtingin ko nakahawak na sila sa magkabilang kamay ko, nag-aagawan sila sa magkabilang kamay ko."

"Ha? Anong nangyayari sabi ko. Ano ba ito, namamalikmata lang ba ako? Kasi namulat ako eh pero hindi ko magalaw katawan ko. Gusto kong magsalita pero hindi ako makapagsalita. Nagdasal ako sa isip."

Sa takot ay naisipan nga raw niyang pumikit at magdasal sa isip at nawala naman ang ingay mula sa dalawang matandang multo ngunit nagulat siya sa sunod na nangyari.

Sa pag-aakalang wala na ang dalawang matandang multo, iminulat niya ang dalawang mga mata. Pero mas nasindak daw siya sa tumambad sa kaniya.

"Pagmulat ko sabi ko ayan nawala na sila. Pero pagtingin ko sa ceiling nandoon yung dalawang matandang nakaitim nakatingin sila sa akin at nagdasal sila ng 'Aba Ginoong Maria...'"

"Habang nagdarasal sila, ipinikit ko na lang 'yong mga mata ko kasi hindi nga ako makagalaw pa rin."

Hindi raw makapaniwala si Nepheline na kaya palang magdasal ng mga kaluluwang ligaw!

Hanggang sa dumating na raw ang kaniyang roommate, ginising daw siya sa pagkakatulog, at sa laking pagkagulat ni Nephelie, sinabi raw nitong tila binabangungot siya.

Panaginip lang pala ang lahat?

Pero sa isip-isip niya, parang hindi naman pananginip ang lahat dahil parang totoong-totoo ang lahat ng mga nasaksihan niya!

"Then, dumating si roommate. Binuksan niya 'yong ilaw. Sabi niyang ganiyan, narinig niya akong parang 'Ahhhhh' pero tulog pa raw ako. Parang ngumunguyngoy ako. Binabangungot daw ba ako? Ginising niya ako."

"Ta's ayun nawala 'yong dalawang matandang nakaitim na babae."

"Tas takot na takot ako nun."

Matapos ikuwento sa kaniyang roommate, pinuntahan daw nila ang isang nagngangalang "Ate Anj" na nanunuluyan din sa nabanggit na dorm. Humingi sila ng holy water at Bibliya dahil alam nilang palasimba ito.

Pagdating sa kuwarto nito sa unang palapag, agad na nagkuwento si Nepheline. Tila pinatotohanan naman ni Ate Anj ang nababalot na kababalaghan sa dorm.

"So kinatok namin siya sa 1st floor. Kinuwento ko ang nangyari and sabi niya na 'Naku talagang nangyayari 'yan dahil luma na nga itong dorm.' Since 19 kopong-kopong pa raw," ani Nepheline.

"Binigyan niya ako ng holy water at Bible at sinabihan na pagtabihin daw namin ni roommate 'yong kama namin. Hindi ko sure kung baka may tumabi ba sa amin pero dahil takot na takot mga kami, pinagtabi na lang namin."

Hindi niya naisipang umalis sa dorm na iyon dahil mas matimbang pa rin sa kaniya ang makapagtapos ng pag-aaral sa UPD dahil sa pangarap ng buong pamilya nila iyon, at higit sa lahat ayaw naman niyang iwan ang kaniyang roommate kaya naman pinagtiyagaan niya ang pananatili roon hanggang sa makapagtapos.

Palaisipan daw kay Nepheline kung paanong ang dalawang matandang multo sa kaniyang panaginip, kung panaginip man iyon, ay marunong magdasal at hindi natatakot dito bilang pangontra.

"Hindi ko alam kung mas nakakatakot ba iyon. Kasi hindi niya ako sinabayan pero sinundan niya 'yong dasal ko bale alam niyang tapos na 'yong Ama Namin alam niya na 'yong kasunod na idadasal ibig sabihin alam niya 'yong iniisip ko."

Pinabendisyunan ang dorm na iyon lalo na ang kanilang kuwartong tinutuluyan. Lagi na rin silang nagdarasal ng kaniyang roommate, pagpapasalamat na lang daw sa Diyos na hindi na muling naulit ang nakapaninindig-balahibong karanasan.

Sa kaniyang pakikipag-usap sa mga kapwa estudyanteng tumutuloy din sa UPD Residence Hall, napag-alaman niyang maging sila ay may nararanasang kakatwa at kababalaghan sa dorm na iyon.

Para kay Nepheline, sa kaniyang pananaw, kaya naman niya naranasan ang nakakikilabot na karanasang ito upang mas pagtibayin niya pa ang pananampalataya sa Diyos.

Naniniwala rin siyang hindi lamang mga tao ang naninirahan sa mundong ito. May mga hindi pangkaraniwang elementong hindi nakikita ng mga mata kaya naman dapat laging magdasal at pagtibayin pa ang pananampalataya sa Poong Maykapal.

Mariah Ang at Richard de Leon

--------------------------------------------------------

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.