Matapos ang halos dalawang taon mula nang magpaalam sa ere, bali-balitang muling magbabalik ang longest-running drama anthology ng sa Pilipinas, ang Maalaala Mo Kaya (MMK).
Ayon sa ulat ng PEP, ang MMK ay muli raw mapapanood sa telebisyon ngunit sa TV5 na ito eere imbes na sa ABS-CBN, kung saan ito unang umere noong Mayo 15, 1991 at natapos noong Disyembre 10, 2022.
Ang programa, na kinagiliwan ng milyun-milyong manonood sa loob ng tatlumpu’t isang taon, ay muli raw magbubukas ng mga posibilidad na maipagpatuloy ang pagbibigay-buhay sa mga kwento ng karaniwang tao sa pamamagitan ng dramatikong pagsasadula.
Si Charo Santos-Concio, ang iconic host at narrator ng MMK, ay nagpahayag ng interes na bumalik sa kaniyang papel kung sakaling magbalik ang programa.
“Kung mauulit man ang lahat, hindi po ako magdadalawang-isip na piliin muli ang role na ito. Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo,” ani Charo nang magpaalam siya sa ere.
Kilala ang MMK sa mga one-word episode titles nito, kadalasan ay isang “tangible object” na may kaugnayan sa kuwento ng letter sender. Ang MMK ay hindi lamang tumatak dahil sa mga de-kalidad na kuwento kundi pati na rin sa mga pagganap ng ilan sa pinakamahuhusay na artista sa bansa.
Sa kabilang banda, hanggang ngayon ay patuloy pa ring umeere ang karibal nitong drama anthology na "Magpakailanman" ng GMA Network, hosted by Mel Tiangco. Gayunpaman, marami umano ang naniniwala na ang MMK ang mas tumatak at nangibabaw sa mga manonood sa loob ng tatlong dekada.
Samantala, wala pang kumpirmasyon kung totoo bang magbabalik na ito sa ere mula sa pamunuan ng ABS-CBN o TV5.
Hindi nabanggit sa ulat kung ABS-CBN pa rin ang magmamay-ari nito at eere lamang sa TV5 kagaya ng iba nilang mga programa, o TV5 na talaga ang magpo-produce nito. Wala pang inilalabas na pahayag ang dalawang network kaugnay sa bali-balitang ito.
Mariah Ang