“Tara, Paris?”
Magsisimula nang mag-operate ang direct flights mula Pilipinas patungong Paris sa darating na Disyembre ngayong taon.
Inanunsyo ito ni French Ambassador in Manila Marie Fontanel sa isang press briefing nitong Martes, Setyembre 10.
Ani Fontanel, layon ng naturang hakbang na palakasin ang pagpapalitan ng turismo hindi lamang ng Pilipinas at France, ngunit maging ng Pilipinas at European Union.
Ayon naman kay Air France KLM General Manager Femke Kroese, sisimulang i-operate ang direct flights patungong Paris sa Disyembre 8, 2024.
Inaasahan umano ang operasyon ng Manila-Paris direct flights tuwing Martes, Huwebes at Linggo, kung saan nasa 14 oras daw ang magiging tagal ng biyahe.
Samantala, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na nahanda ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang masiguro ang maayos na operasyon ng Air France sa bansa.