“Hindi kita nakikita sa future ko.” Ito na siguro ‘yung isa sa pinakamasakit na maririnig mo mula sa partner mo o sa ex-partner mo.
Kamakailan lang, napag-usapan sa ‘EXpecially For You’ segment ng ‘It’s Showtime,’ ang naging conflict ng mag-ex jowa na sina Sonny at Christiana.
Nabanggit ni Sonny na kahit masaya sila at sobra ‘yung pagmamahal na nakukuha niya mula kay Christiana ay hindi niya ito nakikitang makakasama sa future niya.
“‘Yon nga po sa sobrang pagmamahalan po namin, napagtanto ko minsan na kapag tinititigan ko po siya parang hindi ko siya nakikita sa future ko,” saad ni Sonny.
BASAHIN: Dahil nasobrahan sa pagmamahal: Guest sa ‘EXpecially For You’, naghanap ng bago?
Pero, bakit nga gano’n ‘no? Kahit pala minamahal mo nang sobra ‘yung isang tao, matagal na kayong magkasama at magkarelasyon, marami na kayong nabuong memories na magkasama, at plinano n’yo na ang future n’yo, posible pa rin pa lang hindi ka niya nakikitang makakasama sa future.
Ang ending, nauuwi sa hiwalayan, nauuwi sa sakitan—hindi pisikal kundi emosyonal—at nagdudulot ng trauma.
At minsan naman sa pag-ibig, hindi mo na rin alam kung saan ka lulugar. Kapag nasobrahan ka sa pagmamahal, iiwanan ka; kapag naman nagkulang ka, iiwanan ka rin.
Mabuti pa nga sigurong manatiling munang single sa ngayon at saka na lang pumasok sa relasyon kapag may taong siguradong-sigurado na sa’yo at nakikita ka niyang makasama sa future.
Sabi nga ng GMA Reporter/Documentarist na si Mav Gonzales, “mabuti nang wala kaysa mali.”