Tinawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “professional liar” si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales na siyang nagdawit sa kaniya sa iligal na droga.

Sa isang panayam nitong Biyernes, Mayo 10, sinabi ni Marcos na parang “jukebox” si Morales na sasabihin umano ang mga gustong ipasabi sa kaniya.

“Mahirap namang bigyan ng importansya ‘yan. This fellow is a professional liar. Parang jukebox ‘yan eh,” ani Marcos.

“Basta maghulog ka ng pera, kahit anong kantang gusto mo, kakantahin niya. Kaya walang saysay,” dagdag pa niya.

National

PBBM, tinawanan alegasyong sangkot sila ni Maricel Soriano sa iligal na droga

Kinuwestiyon din ng pangulo ang record ni Morales na mayroon umanong mga kaso ng pagsasabi ng mga walang katotohanang testimonya.

“Tingnan n’yo na lang ang kaniyang record. May kaso siya ng false testimony. Marami siyang history na kung sino-sinong sinasangkot kung saan-saan. ‘Yun ang hanapbuhay yata niya. Kaya professional liar ang tawag ko sa kaniya,” saad ni Marcos.

Matatandaang nagbigay ng testimonya kamakailan si Morales hinggil sa umano’y “authenticity” ng nag-leak na dokumento noong 2012, kung saan kasama raw sina Marcos, na noo’y senador ng bansa, at aktres na si Maricel Soriano sa mga dawit sa iligal na droga.

Kaugnay nito, sa isinagawang pagdinig ng Senado noong Martes, Mayo 7, ay sinabi naman ni Soriano na wala raw siyang alam tungkol sa kumakalat na naturang dokumento ng PDEA, ngunit inamin niyang sa kaniya ang kontrobersyal na condominium unit sa Makati City.

https://balita.net.ph/2024/05/07/maricel-soriano-wala-raw-alam-sa-pdea-document-umaming-sa-kaniya-ang-condo-unit/